Kung minsan, magaganda pa ang umiiyak
Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at sitwasyon.
Unang kabanata
TUMUNOG ang kaniyang cellphone.
Si Lea, pamangkin ng kaniyang mister, ang nag-text. Tita kita po tau pls
Tumugon siya. San u?
Haus po
Call u
K po
Tinawagan niya ito sa landline phone sa bahay ng mga ito gamit ang landline phone sa opisina.
“Lea, bakit?”
“T-tita Rose, pag nagkita na lang po tayo. A-anong oras po ba kayo available?” Gumagaralgal ang boses nito. Parang paiyak na ito.
Tiningnan niya ang kaniyang relos: 4:50 ng hapon.
“Kahit ngayon puwede na ako,” sagot niya.
“Tita Rose, kung puwede po sana, sunduin mo ako. Punta po tayo sa Figaro. Doon po tayo mag-usap.”
“Sige, pupuntahan kita.”
“Tita Rose, salamat po.” Kahit kaunti, nagkaroon ng sigla ang boses nito.
“Honey, ikaw na muna ang bahala sa office,” baling niya kay Conrad na katabi lamang niya ang mesa. “Gusto ni Lea na magkita kami.”
“Hon, bakit daw?” tanong ng mister niya.
“Walang sinabi. Pag nagkita na lang daw kami.”
“Sige. Bahala na akong magsara ng office. Bahala ka na sa pamangkin natin. Salamat.”
“Welcome,” tugon niya. “Honey, text kita mamaya. Baka hindi agad ako makauwi. Bahala ka na sa mga bata.”
“Sige, hon,” sagot ni Conrad. “Ingat.”
“Salamat,” tugon niya.
Dinala niya ang kaniyang kotse. Dalaga pa lamang siya, marunong na siyang magmaneho. Noon pa man, may kotse na siya.
Kahit iisa ang law office nilang mag-asawa, tig-isa sila ng kotse. Pareho silang abugado. May kaniya-kaniyang hearing. May kaniya-kaniyang lakad.
Hindi naman si Conrad ang aktuwal na magsasara ng law office. May dalawa silang clerk, isang lalaki at isang babae. Pamamahalaan lamang nito ang pagsasara ng opisina.
Sinusundo at inihahatid ng school bus ang dalawa nilang anak, parehong lalaki. May mga kasambahay sila na nagluluto ng pagkain nila, naghuhugas ng kanilang pinagkanan, nag-aayos ng mga damit nila, naglilinis ng bahay, naghuhugas ng sasakyan at nag-aalaga ng mga halaman. Noong maliliit pa ang mga anak nila, may nag-aalaga rin sa mga ito. Kaya hindi mahirap para sa kaniyang mister na asikasuhin ang mga anak nila. Kailangan lamang samahan nito ang mga bata.
Bihis na si Lea nang dumating siya sa bahay ng mga ito. Nasa terrace na ito, naghihintay sa kaniya. Bumaba ito pagkakita sa kaniya. Pinuntahan siya.
Hindi na siya bumaba ng kotse. Kinawayan na lamang niya ang ina ni Lea – nakatatandang kapatid ng kaniyang mister – na sumilip nang dumating siya.
Nagtuloy sila sa outlet ng Figaro na nasa isang mall na malapit lamang sa kanila. Magkalapit ang bahay nila at ang bahay nina Lea.
“Ako na ang magbabayad. Order ka na lang ng gusto mo,” sabi niya kay Lea.
Halos alam na niya kung ano ang problema ni Lea. Gayunman, hinintay pa rin niya na ito ang magbukas nito sa kaniya habang hinihintay nila ang pagdating ng kanilang order.
Limang buwan na nilang pinag-uusapan ang tungkol sa crush nito sa pinapasukang pamantasan. Kaya tiyak na tungkol na naman sa kabataang estudyanteng iyon na Ramil ang pangalan ang sasabihin sa kaniya ni Lea. Wala rin naman siyang maisip na ibang puwedeng maging problema ni Lea. Wala naman itong problema sa pamilya. Magkasundo ang mga magulang nito at ibinibigay ng mga ito ang lahat ng pangangailangan nilang tatlong magkakapatid. Wala rin naman tiyak itong problema sa pag-aaral. Matalino ito sa klase. Magduduktora pa nga ito.
Malapit sa kaniya si Lea. Siya ang hingahan nito ng mga problema. Siya ang hingian ng payo. Noon pa mang magnobyo pa lamang sila ni Conrad, panay na ang lapit sa kaniya ni Lea na bata pa noon tuwing isinasama siya ng naging mister sa mga okasyon ng pamilya nito. Flower girl pa nga ito noong ikasal sila ni Conrad.
Nakikita naman niyang pinahahalagahan ng mister niya, at ng buong partido nito, ang pagmamalasakit niya kay Lea. Ikinatutuwa naman niya ito. Bukod dito, malapit talaga sa puso niya si Lea. Talagang pamangkin ang turing niya rito bukod pa nga sa pangyayaring bale pamangkin na rin niya ito dahil pamangkin ito ng mister niya.
Dumating na ang kanilang order ay hindi pa rin nagsasalita si Lea. Siya na ang umungkat nito:
“Si Ramil ba?”
Tumango ito.
“Bakit?”
Hindi ito nakasagot.
“Me problema?”
Tumulo ang luha nito. “Me nililigawan na po si Ramil.”
Nagulat siya sa narinig. “Sigurado ka ba?”
Tumango ito. Tumulo ang luha. Suminga ito sa napkin ng Figaro.
Kung pagbabatayan ang pagkukuwento ni Lea, crush na crush nito ang estudyanteng iyon sa pinapasukan nitong pamantasan. Na kung liligawan lamang nito si Lea, wala nang mahihiling pa sa buhay si Lea.
Hindi magkaklase ang dalawa ni Lea. Nakilala ito ni Lea nang magsagawa ang ilang estudyante ng pinapasukan nitong pamantasan ng volunteer work and community service sa isang depressed area sa Maynila. Mapagkawanggawa si Lea. Magkasabay rin ang free time ng dalawa. Nalaman ni Lea na nasa third year ito sa BS in Commerce. Si Lea ay nasa second year sa kinukuhang bachelor’s degree bilang paghahanda sa pag-aaral ng medisina.
Ayon kay Lea, hindi guwapo kung hindi man pangit si Ramil. Hindi ito iskolar. Hindi varsity player. Hindi siya nang-uuri ng tao batay sa kalagayan sa buhay pero naitanong na rin niya kay Lea kung maykaya ang pamilya ng estudyante. Tugon ni Lea ay hindi naman. Nagko-commute nga lamang daw ito. Mumurahin lamang ang kinakain nito sa cafeteria. Si Lea ay hatid-sundo ng kotse. May family driver ang mga ito.
Sa tingin niya, ang estudyanteng iyon ang dapat na naghahabol kay Lea. Pero ang nakapagtataka, hindi lamang hindi nito pinapansin si Lea kundi parang iniiwasan pa, batay na rin sa pagkukuwento mismo ni Lea.
Batay pa rin sa pagkukuwento ni Lea, si Lea pa ang susunud-sunod sa estudyanteng iyon. Kapag nasa library ang estudyante, umuupo si Lea sa katapat na mesa upang makita nito pag-aangat nito ng mukha mula sa pagbabasa ng libro. Pati sa cafeteria ay susunud-sunod si Lea. Kung hindi nga lamang baka mapahiya ang crush nito, gusto nang magboluntaryo ni Lea na ilibre ito sa masasarap at nakabubusog na pagkain.
“Me problema po ba sa akin?” naitanong minsan sa kaniya ni Lea.
“Wala,” tugon niya.
Wala naman talaga siyang nakikitang problema kay Lea. Sa tingin pa niya, jackpot ang magiging boyfriend nito. Maganda si Lea, makinis, malinis sa katawan, laging mabango at magandang kumilos. Mabait. Matalino. Hindi ito alangang isama sa anumang okasyon dahil kayang-kaya nitong dalhin ang sarili. Puwede rin itong makisalimuha sa mga maralita. Hindi ito matapobre kahit nakaririwasa sa buhay ang pamilya nito. Napatunayan na niyang tunay ang pagmamalasakit nito sa mga maralita.
Nag-isip siya. Baka naman nasa estudyanteng iyon ang problema?
“Hindi kaya me girlfriend na iyon?” tanong niya noon kay Lea.
“Wala pa po. Sigurado po ako.”
“Malay natin, baka wala sa school n’yo.”
Nalungkot si Lea. Tiyak na pinag-isipan ang sinabi niya.
Kung may nililigawan na ngayon ang estudyante, wala nga itong girlfriend. O kung may girlfriend man, hindi pa ito tiyak sa nararamdaman nito sa babae. Kaya nga nanligaw pa ito sa iba. Pero bakit hindi kay Lea?
May nabubuong hinala sa isip niya.
“Kilala mo ba ang nililigawan ni Ramil?”
Tumango si Lea.
“Maganda ba?”
“Hindi naman po.”
“Sikat ba sa campus?”
“Hindi rin po.”
“Mabait?”
“Mabait naman po siguro. Pero hindi naman po siguro napakabait.”
“Mayaman?”
“Tingin ko po e hindi.”
May naalala siya na lalong nagpapalakas sa kaniyang hinala.
Nangyari ito dalawampung taon na, humigit-kumulang, ang nakararaan.
ITUTULOY
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.