Quantcast
Channel: Maikling Kuwento
Viewing all 52 articles
Browse latest View live

Ang babaeng nagpakasal sa pera

$
0
0

Maikling Kuwento ni Nestor S. Barco    Ang babaeng nagpakasal sa pera

(Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon) 

NAPANSIN ni Leon na may kung anong bumabagabag kay Gigi. Nagsimula ito nang laging nagpupunta sa bahay nila si Rachel.

Si Rachel ay kaibigan ng misis niya. Nasa haiskul pa lamang ang dalawa ay magkaibigan na.

Hindi niya inuusisa si Gigi tungkol sa mga bagay na personal. Pero dahil nakikita niyang lagi itong nag-iisip, napilitan na siyang magtanong:

“Bakit laging andito si Rachel?”

“Nangungutang,” sagot ng misis niya.

Dati, nakaririwasa ang pamilya ni Rachel. Maayos ang takbo ng negosyo ni Rachel at ng mister nito. Pero nabiktima ng scam si Rachel, na naging dahilan upang maghirap ang pamilya nito. Ayon kay Gigi, mahigit tatlong milyong piso ang natangay mula kay Rachel.

“Pinauutang mo?”

“Oo.”

“Oo nga. Kaibigan mo naman si Rachel. Kawawa rin iyon dahil sa nangyari.”

“Kaya lang, lumilimit ang pangungutang niya. Palaki rin nang palaki,” sabi ni Gigi. “Sabi ko sa kaniya, hindi ko siya puwedeng pautangin nang pautangin dahil pera ng buong pamilya natin ang ipinauutang ko sa kaniya. Pero makulit, e.”

Kahit si Leon ang nagpundar at nagpapatakbo ng auto supply nila, itinuturing nilang pera ng buong pamilya ang lahat ng kinikita nito. Hindi kailangang humingi sa kaniya ng pera si Gigi tuwing may pagkakagastahan ito.

“Nagbabayad ba?”

“Hindi nga, e.”

“Ang gawin mo kaya e tulungan mo na lamang siya?” suhestiyon niya. “‘Yung hindi na n’ya kailangang magbayad? ‘Yung tulong na makakaya lamang natin?”

“Susubukin ko.”

KANINANG umaga, dumating sa auto supply si Rachel.

“Kailangang malaman mo ‘to!” sabi nito. “Kawawa ka pag di mo ‘to nalaman!”

“Ano ‘yon?” tanong ni Leon.

“Pera mo lamang ang pinakasalan ng asawa mo! Alam ko ‘yon dahil lagi kaming magkausap ni Gigi noong nanliligaw ka pa lang sa kaniya. Nagtatapat siya sa akin ng nasasaloob niya. Ako pa nga ang nag-udyok sa kaniya noon na sagutin ka na kung gusto niyang guminhawa ang buhay niya.”

“Nanlalalaki ba si Gigi?” Malayang nakalalakad ang misis niya kung saan nito gusto. Hindi niya ito hinihigpitan.

“Wala akong alam doon. Malay ko. Me hinala ka ba?”

“Wala naman. Naitanong ko lang.”

“Ang tiyak ko: pera mo lamang ang pinakasalan niya.”

“Bakit ngayon mo lang sinasabi sa akin ‘to?”

“Nagmamalasakit ako sa iyo.”

“Pero sa ginagawa mo, ginugulo mo ang buhay naming mag-asawa.”

“Kailangang malaman mo ang totoo.”

“Ang alam ko, lagi kang nanghihiram ng pera ke Gigi.”

“Ngayon na lang iyon. Ayaw na nga niya akong pahiramin. Nag-aaway ba kayong mag-asawa tungkol sa pera?”

“Hindi kami nag-aaway tungkol sa pera.”

Mabuti naman! Lalakad na ako.”

Si Gigi ay dating tindera niya. Disinuwebe-anyos ito nang magtrabaho sa kaniyang auto supply. Beinte-anyos naman ito nang mapangasawa niya habang siya ay treinta-anyos na. Labindalawang taon na silang kasal. May dalawang anak.

Galing sa maralitang pamilya ni Gigi. Ni hindi nga ito nakatuntong ng kolehiyo dahil sa kahirapan. Nakaririwasa naman ang pamilya nila. Kahit noong binata pa lamang siya, may sarili na siyang negosyo – ang auto supply. Tinulungan siya ng ama niya upang makapagsimula. Si Gigi ay tumutulong pa sa pamilya nito noong nagtatrabaho sa kaniyang auto supply at maging ngayong mag-asawa na sila. Hindi naman niya ikinagagalit iyon. Nauunawaan niyang mahirap matiis ng misis niya ang pamilya nito pag nagigipit.

Hindi siya guwapo. Kaakit-akit si Gigi; maraming lalaki na nagkakagusto.

Nakakabalita siya ng mga babaeng nagpakasal sa lalaking hindi nila gusto, gayundin ng mga lalaking nanligaw sa babaeng hindi nila gusto, upang makaahon mula sa kahirapan at matulungan ang pamilya nila.

“NAGPUNTA kanina sa auto supply si Rachel,” banggit niya kay Gigi. Tapos na silang kumain ng hapunan. Nanonood sila ng TV. Nag-aaral ang dalawang anak. Naroon na ang tutor ng mga ito. Ang kasambahay nila ay naghuhugas sa kusina ng mga pinagkanan. Walang nakaririnig sa pag-uusap nila.

“Bakit daw?” Hinagilap ni Gigi ang remote control. Hininaan ang TV.

“Me ipinagtapat siya sa akin.”

“Na ano?”

“Tungkol sa pagpapakasal mo sa akin…”

“Tungkol sa pagpapakasal ko sa ‘yo?”

“Oo,” sagot niya. “Maghapon ko itong pinag-isipan kung sasabihin ko sa iyo o hindi. Naisip kong dapat kong sabihin sa iyo.”

“Ano iyon?”

“Sabi ni Rachel, pera ko lamang ang pinakasalan mo!”

“Grabe talaga ang babaeng iyon,” naibulalas ni Gigi. “Alam mo bang noong dakong huli’y nagpapasaring na ‘yan na me ibubulgar sa ‘yo pag hindi ko siya pinautang? Bina-black mail na niya ako.”

Iyon pala ang bumabagabag kay Gigi sa nakalipas na ilang araw, naisaloob ni Leon. “Napag-isip-isip kong palayain ka. Magpasya ka.”

“Ano ba ang sinasabi mo?” tanong ng misis niya.

“Puwede tayong magpa-counsel sa church o kumunsulta tayo sa abugado o kung gusto mo, puwede tayong manahimik na lamang at patuloy na magsama sa iisang bubong kahit para sa mga bata na lamang. Hindi ka obligadong ipagkaloob ang katawan mo sa akin.”

Nakatungo si Gigi. Nang mag-angat ng ulo, lumuluha ito.

“Galit ka ba sa akin?” tanong nito. “Oo, inaamin ko na noon e ganoon ang ginawa ko. Pero hindi mo ba ako puwedeng patawarin?”

“Hindi ako galit sa iyo.”

“E bakit ganyan ang sinasabi mo?”

“Mahal kita kaya gusto kitang palayain, magpasya ka kung ano ang gusto mong mangyari. Naaawa ako sa iyo na nakikisama ka sa akin dahil napipilitan ka lamang. Ibinibigay mo lagi sa akin ang katawan mo pero wala kang pagmamahal sa akin.”

“Mahal na mahal na kita,” sabi ni Gigi. “Natutunan na kitang mahalin. Kung ako ang pagpapasyahin mo, gusto kong nagsasama tayo bilang mag-asawa. Nagsisiping!”

“Sigurado ka ba? Baka napipilitan ka lamang?”

“Sigurado ako. Hindi ako napipilitan lamang,” sagot ni Gigi. “Mahal na mahal kita. Gusto kong magsama tayo habambuhay. Gusto kong nagsisiping tayo!”

Napangiti siya. Napangiti na rin si Gigi.

“Hayaan mo,” dagdag ni Gigi, “kung kulang pa, dadagdagan ko pa ang pagpapakita sa iyo para talagang maramdaman mo kung gaano na kita kamahal!”

Hinagilap niya ang kamay ni Gigi. Naghawak-kamay sila. Sumandig ito sa balikat niya.

“Hindi ko akalain na magkakaganoon si Rachel,” pagkuwa’y sabi ni Gigi, magkahawak-kamay pa rin sila. “Nagsimula lang iyon noong mabiktima siya ng scam. Parang gusto niyang makabawi agad kaya kaming mga kaibigan naman niya ang inuutangan niya. Sapilitan na ang pangungutang niya kahit hindi siya sigurado kung makakabayad siya.”

“Nakakalungkot ang nangyari ke Rachel.”

“Oo nga, e.”

NANG gabing iyon, napakainit ng pagtatalik nila.

Laking pasasalamat ni Leon na natutunan siyang mahalin ni Gigi, hindi nito kailangang habambuhay na makisama sa lalaking hindi nito mahal.

Naroon pa ang pangako na lalong magiging matamis ang pagsasama nila.


 

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Have a comment about this story? Send us your feedback


Ang di-malutas-lutas na mga pagpatay

$
0
0

Maikling Kuwento ni Nestor S. Barco    Ang di-malutas-lutas na mga pagpatay

(Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon) 

“TINUSOK ng bolpen ang mga mata!”

“Hiniwa ng blade ang tiyan!”

“Pinagpapalo ng libro ang ulo!”

“Pinakain ng ruler!”

“Isinabog ang mga notebook at libro!”

“Winarak ang uniporme!”

“Galit na galit ang pumatay!”

“Pangatlo na si Raffy sa pinapatay sa school natin!”

“Lahat e tinusok ng bolpen ang mga mata!”

“Hiniwa ng blade ang tiyan!”

“Pinagpapalo ng libro ang ulo!”

“Pinakain ng ruler!”

“Isinabog ang mga notebook at libro!”

“Winarak ang uniporme!”

“Iisa ang pumapatay!”

“Talagang malupit!”

“At matinik!”

“Hindi mahuli ng mga pulis!”

Nakikinig lamang si Vincent sa pag-uusap ng mga kaklase niya. Hindi siya sumasabad dahil malamang na pagtawanan na naman siya ng mga ito pag nagsalita siya. Lagi siyang niloloko sa paaralan nila. Malimit na pinagtatawanan. Pinipitik ng malalaking kaklaseng lalaki ang kaniyang mga tainga. Binabatukan siya ng mga ito. Pinapatid. Itinutulak. Inaagaw ang kaniyang bolpen at ruler. Itinatago ang kaniyang notebook at libro. Pinagpapahiran ng maruming kamay ang kaniyang uniporme. Dinidikitan ng papel na may kung anu-anong nakasulat, tulad ng “Gago Ako!” at “Umutot Ako!” ang kaniyang likod.

“Naku! mag-iingat ka, Vincent,” sabi ni Abner. “Baka ikaw ang isunod ng killer!”

Tawanan ang mga kaklase nila. Sabi pa ng mga ito:

“Tutusukin ng killer ng bolpen ang mga mata mo!”

“Hihiwain ng blade ang tiyan mo!”

“Papaluin ng libro ang ulo mo!”

“Pakakainin ka ng ruler!”

“Isasabog ang mga notebook at libro mo!”

“Wawarakin ang uniporme mo!”

Ngumingiti lamang si Vincent. Alam niya, natatakot ang mga kaklase niya, lalo na ang mga lalaki, sa killer. At dahil natatakot ang mga ito, sa kaniya ipinapasa ang takot. Pero hindi siya natatakot sa killer. Ang mga kaklase niya ang dapat matakot sa killer na galit na galit sa mga nang-aapi ng mga kaklase nila, lalo na ng maliliit na tulad niya.

Natigil na lamang ang pag-uusap ng mga kaklase niya tungkol sa killer nang pumasok na sila ng silid-aralan.

Habang nagtuturo ang kanilang guro, naaalala ni Vincent ang pinatay na tatlong mag-aaral na lalaki.

Matangkad si Raffy. Halos hanggang tainga lamang siya nito. Malimit nitong pinipitik ang kaniyang mga tainga. Binabatukan siya nito. Pinapatid. Itinutulak. Inaagaw ang bolpen at ruler niya. Itinatago ang notebook at libro niya. Pinagpapahiran ng maruming kamay ang kaniyang uniporme. Dinidikitan ng papel na may kung anu-anong nakasulat, tulad ng “Gago Ako!” at “Umutot Ako!” ang kaniyang likod. Tandang-tanda pa niya nang mapasubasob siya makaraang patirin ni Raffy. Pumutok ang nguso niya noon. Sa halip na tulungan, marami sa mga kaklase ay pinagtawanan pa siya. Maraming takot kay Raffy. Sa pila, iniiwasan nilang masanggi ito dahil tiyak na batok ang aabutin nila. Pati mga babae ay niloloko nito. Kahit makagalitan ng teacher ay saglit lamang itong tumitigil. Itinutuloy pa rin nito ang mga kalukohan. Takot lamang ito ay kina Jules at Joey. Kaya kung ano ang gawin ng dalawa ay nakikigaya ito.

Hindi matangkad si Joey pero matipuno ang katawan nito. Kumpara kay Raffy, mas malimit nitong pitikin ang kaniyang mga tainga. Mas malimit na batukan siya. Mas malimit din kung patirin siya nito. Itulak. Agawan ng bolpen at ruler. Mas malimit na itago ang notebook at libro niya. Mas malimit na pagpahiran ng maruming kamay ang kaniyang uniporme. Dikitan ng papel na may kung anu-anong nakasulat, tulad ng “Gago Ako!” at “Umutot Ako!” ang kaniyang likod. Malimit siyang makagalitan ng mama niya dahil malimit siyang magpabili ng bolpen. Marami ring takot kay Joey. Nambabatok din ito kapag nasanggi sa pila. Pati mga babae ay niloloko nito. Hinihila nito ang buhok. Kahit makagalitan ng teacher ay saglit lamang itong tumitigil. Itinutuloy pa rin nito ang mga kalukohan. Takot lamang ito ay kay Jules. Kapag nakatayo na sa pila si Jules, hindi na ito makalapit.

Matangkad na si Jules ay matipuno pa ang katawan. Kumpara kina Raffy at Joey, mas malimit nitong pitikin ang kaniyang mga tainga. Mas malimit na batukan siya. Mas malimit din kung patirin siya nito. Itulak. Agawan ng bolpen at ruler. Mas malimit na itago ang notebook at libro niya. Mas malimit na pagpahiran ng maruming kamay ang kaniyang uniporme. Dikitan ng papel na may kung anu-anong nakasulat, tulad ng “Gago Ako!” at “Umutot Ako!” ang kaniyang likod. Halos pamunasan na ang turing nito sa kaniyang uniporme. Hindi naman siya makaangal. Lahat silang magkakaklase ay takot kay Jules. Hari-harian ito sa pila. Walang puwedeng sumanggi. Pati mga babae ay niloloko nito. Si Maxine na crush niya ay malimit nitong silipan. Malimit na tinatapik ang puwit. Bale-wala rito kahit makagalitan ng teacher. Itinutuloy pa rin nito ang mga kalukohan.

Kapag nasa bahay ay naaalala niya ang mga nangyayari sa kaniya sa paaralan. Parang ayaw na niyang pumasok. Gusto na niyang tumigil ng pag-aaral. Kaya lang, tiyak na makakagalitan siya ng mama at papa niya. Nahihiya naman siyang ipagtapat sa mga magulang ang tunay na dahilan kaya ayaw na niyang mag-aral. Baka rin makagalitan pa siya. Pag may umaaway sa kaniya, sa kaniya pa nagagalit ang papa niya. Sinasabihan siyang hindi marunong lumaban kaya siya inaapi ng mga kapuwa bata niya.

Hindi maawat ng mga teacher at ng principal ang malalaki niyang kaklase sa panloloko sa kaniya. Maraming ginagawa ang mga ito at nagsasawa na rin sa pagsita sa mga batang nanloloko ng mga kaklase nila. Malimit pa, pag nagsusumbong sa teacher ang isang mag-aaral, sa labas naman ng paaralan siya inaabangan ng isinumbong na kaklase.

Gayunman, napatunayan niyang duwag din pala ang tatlong pinatay na kaklase.

Sumisigaw si Raffy sa sakit habang tinutusok ng bolpen ang mga mata nito. Sabog ang uhog nito habang hinihiwa ng blade ang tiyan nito. Nagmamakaawa ito habang pinapalo ng libro ang ulo nito. Tumutulo ang luha nito habang pinakakain ito ng ruler.

Sumisigaw rin sa sakit si Joey habang tinutusok ng bolpen ang mga mata nito, sabog ang uhog nito habang hinihiwa ng blade ang tiyan nito, nagmamakaawa ito habang pinapalo ng libro ang ulo nito at tumutulo ang luha nito habang pinakakain ng ruler.

Sumisigaw rin sa sakit si Jules habang tinutusok ng bolpen ang mga mata nito, sabog ang uhog nito habang hinihiwa ng blade ang tiyan nito, nagmamakaawa ito habang pinapalo ng libro ang ulo nito at tumutulo ang luha nito habang pinakakain ng ruler.

Nawala ang yabang ng mga ito nang sila naman ang pinahihirapan.

Alam niya ang lahat dahil siya ang killer. Sa galit niya, isinabog pa niya ang mga notebook at libro ng mga ito. Winarak ang uniporme ng mga ito. Inabangan niyang isa-isa ang mga ito. Nang matiyak niyang walang nakakakita, bigla niyang sinugod. Tinusok niya ng bolpen ang mga mata ng mga ito. Hiniwa ng blade ang tiyan ng mga ito. Pinagpapalo ng libro ang ulo ng mga ito. At pinakain ng ruler ang mga ito.

Walang naghihinala na siya ang killer dahil binabatuk-batukan lamang siya sa paaralan nila.

Kahit anong imbestigasyon ang gawin ng mga pulis, hindi matukoy ng mga ito kung sino ang killer.

Kung minsan, gusto na niyang ipakita sa mga kaklase niya kung paano siya magalit upang matigil na ang panloloko sa kaniya ng mga ito. Pero baka mabisto naman na siya ang killer pag nalaman ng lahat kung paano siya magalit.

Nang uwian na, nagtatawanan ang mga kaklase niya. Napuna niya na siya ang pinagtatawanan ng mga ito. Tumitingin pa ang mga ito sa kaniyang likod. Kinapa niya ang kaniyang likod. May nakadikit na papel sa kaniyang damit. Nang basahin niya, ganito ang nakasulat: “UMUTOT AKO!”

Naisip niyang tiyak na si Abner ang nagdikit ng papel sa likod niya. Ito ang humawak sa likod niya bago nagtawanan ang mga kaklase nila.

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Have a comment about this story? Send us your feedback

Tulong

$
0
0

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoTulong

Ni Nestor S. Barco

MAKARAANG maoperahan si Eric dahil sa colon cancer, dumagsa ang mga tulong sa kaniya mula sa kaniyang mga kapatid, kamag-anak, kasamahan sa simbahan at dating kaklase sa elementarya at haiskul.

“Kung hindi, marami sana tayong utang ngayon. Malamang ding naibenta natin ang kotse natin,” sabi niya kay Nora.

“Laking pasasalamat ko talaga sa mga tumulong sa iyo,” sang-ayon ng misis niya, “lalo na sa mga kapatid mo.”

Halos kalahati ng ginastos niya sa operasyon, chemotherapy at radiation therapy ay nanggaling mula sa tulong ng lima niyang kapatid, na ang dalawa ay nasa Pilipinas at ang tatlo naman ay nasa ibang bansa. Walang naitulong ang pamilya ng misis niya dahil maralita; malimit na sila pa nga ang tumutulong.

“Pero ang nakakatuwa,” dagdag niya, “kahit ang mga dati kong kaklase na napakatagal ko nang hindi nakikita e nagpadala rin ng tulong, lalo na ‘yung mga nasa abroad.” Nalaman niya mula rin sa mga ito na kumalat ang balita ng kaniyang pagkakasakit sa mga dating kaklase niya sa elementarya at haiskul sa pamamagitan ng Facebook at e-mail.

Kapag pinagsama-sama, aabot ang halaga ng mga tulong ng mga dating kaklase sa elementarya at haiskul na nasa Pilipinas at naninirahan sa ibang bansa, mga kamag-anak at kasamahan sa simbahan sa ikatlong bahagi ng ginastos niya sa chemotherapy at radiation therapy.

Kaya, wala siyang naging utang. Wala rin siyang naibentang anumang pundar niya.

“‘Wag na sa pera, ‘yun lamang pagmamalasakit ng mga tumulong sa iyo e nakakatuwa na,” sabi ng misis niya.

“Totoo ‘yan,” sang-ayon niya. “Una, sa biyaya ng Diyos; sumunod, sa suporta mo at ng mga anak natin, hindi ako na-depress sa sakit ko dahil maraming tumulong sa akin. Kaya ko rin kinaya ang lahat ng hirap at sakit sa pagpapagamot.”

“Matulungin ka rin naman,” sabi ng misis niya. “Ngayon, marami ring tumutulong sa iyo.”

Hindi na kumibo si Eric. Hindi niya ipinagmamalaki ang pagtulong sa kapuwa. Ayaw nga niyang mabanggit man lamang iyon.

Noong surveillance na lamang ang ginagawa ng oncologist sa kaniyang sakit, tumigil na rin ang pagdating ng mga tulong. Nauunawaan niya iyon. Alam din naman ng mga tumutulong sa kaniya na wala na siyang masyadong pinagkakagastusan. Makakaya na ng kinikita ng kaniyang imprenta ang bayad sa CEA test, CT scan at colonoscopy.

Kanina, silang dating magkakaklase sa haiskul ay nagkaroon ng reunion. Gusto ni Grace na magkita-kita sila bago ito bumalik ng United States. Dalawang linggo lamang ang bakasyon nito sa Pilipinas.

Kasama niyang nagpunta roon ang misis niya, na siyang nagmaneho ng kanilang kotse. Mula nang maoperahan, hindi na siya nagmaneho. Naiwan sa bahay ang dalawang anak nila. Malalaki na ang mga ito.

Ang ilang dating kaklase sa haiskul ay may kasama ring asawa o anak habang nagsosolo naman ang iba. Karamihan ay may bitbit na pagkain. Siya man ay may bitbit din. Panay ang kumustahan. Siya ang napagtuunan ng pangungumusta ng mga ito dahil sa kaniyang sakit.

“Ayos naman ang CEA ko, CT scan at colonoscopy,” itinutugon niya.

“Mabuti naman!” sabi ng mga ito, nakangiti.

Di-nagtagal, nagkainan na sila. Napakaraming pagkain. Masasarap lahat.

Nang makapagpahinga na matapos nilang kumain, may kumanta na sa karaoke. Panay ang huntahan. Sinariwa nila ang nakaraan. Kinumusta nila sa isa’t isa ang kalagayan ng iba pa nilang dating kaklase na wala roon at ang kalagayan ng mga dati nilang guro. Bawat dumarating ay pinakakain muna. Panay ang kuha ng litrato at video sa pamamagitan ng cellphone at tablet computer.

Bandang alas 8:30 ng gabi, nagpaalam na siya. Iniiwasan niyang mapuyat upang manatiling malakas ang kaniyang resistensiya.

Habang papunta siya sa kotse kasama ang misis niya, sumabay si Grace. Nang papasok na siya sa kotse, kinamayan siya nito. Nang maglapat ang mga palad nila, naramdaman niyang may nakaipit na papel. Hinulaan niyang pera iyon. Napatingin siya sa dating kaklase.

“Konting tulong lamang ‘yan,” sabi ni Grace.

“‘Kakahiya naman,” sabi niya.

“Maliit na halaga lamang ‘yan. Tanggapin mo na,” giit ni Grace.

Nasa anyo ng dating kaklase na ipipilit nito ang tulong. Alam niya iyon dahil nararanasan niya kapag nagbibigay siya ng tulong. Napilitan siyang tanggapin ang pera.

“Salamat,” sabi niya. Inilagay niya sa bulsa ng kaniyang pantalon ang pera. Hindi na niya tiningnan kung magkano ito.

“Okey lang,” sabi ni Grace. Maaliwalas na maaliwalas ang mukha nito. Halatang napakagaan ng pakiramdam makaraang magbigay ng tulong. Alam niya iyon dahil nararanasan niya kapag nagbibigay siya ng tulong.

Nang malayo na siya, hinugot niya mula sa bulsa ng pantalon ang pera. Nang tingnan kung magkano: $100 US. Malaking halaga na rin kapag napalit sa piso.

Ibinalik niya ito sa bulsa ng kaniyang pantalon.

Nasa bahay na siya, naiisip pa niya ang tulong na bigay ni Grace. Noong malaki pa ang gastos niya sa pagpapagamot, natutuwa siya tuwing may dumarating na tulong. Naliligayahan siya na maraming nagmamalasakit sa kaniya.

Pero ngayong matagal na niyang hindi nararanasan uling tumanggap ng tulong at hindi na rin naman talaga niya ito kailangan dahil kayang-kaya na niya ang gastos kaugnay ng kaniyang sakit, nakaramdam siya ng habag sa sarili.

Kawawa ba ang tingin sa kaniya ng mga dating kaklase at ng iba pa kaya siya tinutulungan? Mas mababa na ba ngayon ang tingin sa kaniya ng mga ito dahil tinutulungan na lamang siya?

Nalungkot siya.

INALALA niya ang mga pagkakataong siya naman ang tumutulong.

Isang umaga, dumating sa bahay niya si Eddie, pinsan niya. Noon, matagal na itong hindi nakasasakay uli ng barko.

“Eric,” sabi nito, “walang pambaon ang dalawa kong estudyante. Hindi makakapasok. Kung puwede sana, pahingi ng limandaan. Hingi na lamang, hindi na utang, dahil hindi ko naman alam kung mababayaran ko pa.”

Noon din ay binigyan niya ng limandaang piso ang pinsan niya. Wala siyang maraming tanong. Nakangiti pa siya. Parang walang nangyaring bigayan ng tulong kung kausapin niya ito. Pinilit niyang huwag itong mapahiya at mahabag sa sarili.

Isang tanghali naman, dumating sa bahay niya si Rosie, dating kaklase sa haiskul. Iniwan ito ng asawa na nakisama sa ibang babae.

“Mapo-foreclose ang bahay namin,” pagtatapat nito. May isang anak ito sa asawa. Sa kaniya ito nakapisan. “Isa ka sa hihingan ko ng tulong.”

Noon din, binigyan niya ito ng limanlibong piso. Nilinaw niyang bigay iyon, hindi na kailangang bayaran. Panay ang pasasalamat nito sa kaniya pero sinabi niyang wala iyon. Kung kausapin niya ito ay tulad ng pakikipag-usap niya noong hindi pa niya ito binibigyan ng tulong. Pinilit niyang huwag itong mapahiya at mahabag sa sarili.

Alam niyang nangungutang sa misis niya ang kapitbahay nilang si Nancy tuwing magigipit ito. Pero kahit kailan, hindi niya ito pinakitunguhan na parang nakabababa, lalo pa nga’t nagbabayad naman ito tuwing magkakapera.

Kapag may lumalapit sa kaniya upang manghingi ng tulong ay tinutulungan niya sa abot ng kaniyang makakaya. Lahat ay pinipilit niyang huwag mapahiya at mahabag sa sarili. Hindi niya tinitingnan nang mababa dahil lamang tinulungan niya. Kung minsan, hindi na kailangang lumapit pa sa kaniya. Basta alam niyang talagang gipit, kusa na niyang tinutulungan. Iniiwasan lamang niyang kumunsinti ng katamaran at pagiging palaasa. Sinusuri rin niya kung nanloloko lamang ang nanghihingi ng tulong.

Napawi ang habag niya sa sarili.

Masaya na uli siya.

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Si Jonathan

$
0
0

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoSi Jonathan

Ni Nestor S. Barco

“PUPUNTA tayo mamaya, ha?” paalala ni Robin. Kaninang umaga, napagkasunduan nilang magkakabarkada sa paaralan na magkita-kita sila sa Figaro mamayang alas-7:30 ng gabi. May outlet nito na malapit lamang at paborito nilang pag-istambayan. Biyernes ngayon. Walang klase kinabukasan. May ilang estudyante lamang na nagpupunta sa paaralan pag Sabado upang magpraktis sa pagtugtog o sa palakasan.

“Baka hindi na ako makapunta,” sabi ni Diego.

“Ha? Malungkot ang grupo pag di kumpleto. Ba’t naman di ka makakapunta?”

“Wala ako sa mood.”

“Bakit?”

“Mukhang lumabo ako ke Vicky.”

“Ano’ng nangyari?”

“Dahil ke Jonathan.”

“Jonathan? Nanliligaw ba sa kaniya ‘yon?”

“Bata ‘yon.”

“Bata! Pa’nong lumabo ka ke Vicky e bata naman pala si Jonathan?”

KANINA, nagpunta si Diego sa subdibisyon na tinitirhan ni Vicky. Namimisikleta siya. Bagama’t hindi pa siya pormal na nanliligaw, sa tingin niya ay nakahahalata na ang kaklase na crush niya ito. Nasa fourth year high school sila.

Nabanggit mismo ni Vicky sa kanilang klase na mahilig itong mag-alaga ng mga halaman. Ilang beses din niyang narinig na pinag-uusapan nito at ng mga kaklaseng babae ang tungkol sa mga halaman. Umaasa siyang sa pagpunta niya sa subdibisyon ay matitiyempuhan niya si Vicky na nasa labas ng bahay, nag-aalaga ng mga halaman.

Nakaririwasa ang pamilya nina Vicky na may hardware store sa public market. Gayunman, nakita niyang pangkaraniwan lamang ang subdibisyon na tinitirhan ng mga ito. Maliliit ang mga bahay at lote. Karaniwan sa mga bahay ay may isang palapag lamang, bihira ang may dalawa o tatlong palapag.

Maraming nakatira roon na naglabas ng upuan sa gilid ng kalsada upang doon mag-usap o panoorin ang mga nagdaraan. Marami ring bata na naglalaro sa kalsada palibhasa’y maliliit lamang ang mga lote ng bahay at malilim sa kalsada pag hapon.

Kumabog ang dibdib niya nang makita si Vicky sa gilid ng kalsada, nagdidilig ng mga halaman sa planter box sa pamamagitan ng garden hose.

“Hi!” bati niya kay Vicky makaraang itigil ang bisikleta. Kumakabog pa rin ang dibdib niya.

“Hi!” tugon nito.

Bumaba siya ng bisikleta. Itinayo niya ito sa pamamagitan ng stand nito.

Patuloy sa pagdidilig ng mga halaman si Vicky. Nag-iisip naman siya ng sasabihin upang mabuksan ang pag-uusap nila.

“Ang lalago ng mga halaman n’yo,” nasabi niya.

Ngumiti lamang si Vicky na patuloy sa pagdidilig ng mga halaman.

“Alagang-alaga mo ang mga halaman n’yo!” Habang nagsasalita siya, nawawala ang kaba sa dibdib niya.

“Tama lamang,” tugon ni Vicky.

May babae na lumabas mula sa bahay nina Vicky. Ang bahay nina Vicky ay may isang palapag lamang. Sa tantiya niya, wala pang kuwarenta anyos ang babae. Nakangiti ito. Magiliw kumilos. Ganoon din si Vicky. Magkamukha ang dalawa ni Vicky. Hinulaan niya na ina ito ni Vicky.

“Ma, kaklase ko,” pakilala sa kaniya ni Vicky.

Tama ang hula niya. “Magandang hapon po,” bati niya sa ina ni Vicky.

“Magandang hapon din naman,” tugon nito, nakangiti pa rin. Nakita niya na sinilip sila ng nakababatang kapatid ni Vicky, si Jorge. Kilala niya ito dahil nakikita niya ito sa paaralan. Sinilip din sila ng isang babae na mas matanda lamang nang kaunti kay Vicky, na hinulaan niyang kasambahay ng mga ito. Wala pang sasakyan sa garahe. Kaya naisaloob niyang wala pa roon ang ama ni Vicky.

Nakakahalata kaya ang mga ito na may balak siyang manligaw kay Vicky? naitanong niya sa sarili. Maraming nagkakagusto kay Vicky. Gayunman, sa pagkakaalam niya, hindi pa ito nagkakaroon ng boyfriend.

“D’yan na muna kayo,” sabi ng ina ni Vicky.

“Opo,” sagot niya.

Pumasok ng bahay ang ina ni Vicky.

Nakita niya ang isang batang lalaki na naglalakad mag-isa. Dalawa o tatlong taong gulang pa lamang ito. Payat. Kayumanggi. Mahaba ang buhok. Kupas ang damit. Naka-tsinelas na pudpod. Gayunman, hindi ito marusing.

Nagtuloy ito sa kinaroroonan nila ni Vicky. Titingin-tingin ito sa kaniya at sa kaniyang bisikleta. Sa loob niya, siya na ang magpapaalis sa bata na nakatanghod sa dalawang nag-uusap. Mabait si Vicky. Kaya sa tingin niya, mahirap para kay Vicky na gawin iyon.

“Boy! boy! ‘Wag ka dito! Uwi ka na!” sabi niya, na may mustra pa ng mga kamay.

“Si Jonathan ‘yan,” sabi ni Vicky. Tinawag nito ang ina: “Ma! Ma! Andito si Jonathan!”

Nang lumabas ng bahay ang ina ni Vicky, may dala itong cup cake at fruit juice. Tuluy-tuloy itong lumabas sa kalsada. Itinusok muna nito ang straw sa juice box bago iniabot kay Jonathan ang cupcake at fruit juice. Tapos, bumalik ito ng bahay. Nagsimulang kumain si Jonathan habang naglalakad patungo sa umpukan ng mga batang naglalaro sa kalsada.

“Bakit kaya kung minsan, me mga magulang na hindi naaalagaan nang maayos ang anak nila?” aniya, na isang paraan niya ng pagsasabi kay Vicky na magiging responsable siyang asawa at ama kung magkakatuluyan sila. Hindi niya pababayaan ang magiging anak nila na gumala sa kalye at maghintay na bigyan ng pagkain ng kapitbahay.

Pero nabigla siya sa sinabi ni Vicky:

“Mahirap ang kalagayan ng nanay ni Jonathan. Kasambahay ito sa bahay ng kapatid nitong lalaki: nagluluto, naglalaba, namamalantsa, naglilinis ng bahay. Kailangan pang alagaan si Jonathan. Galing probinsiya ang mag-ina.”

Nagpatuloy ito:

“Lagi naman n’yang sinisilip si Jonathan. Tinitingnan din si Jonathan ng mga kapitbahay na naaawa sa kanilang mag-ina. Dito-dito rin lang naman si Jonathan. Madalang ang mga sasakyan na nagdaraan sa block namin. Mababagal pa ang takbo. Marami ring batang nasa kalsada. Baka naiinip din si Jonathan sa loob ng bahay. Sa labas, nasasayahan siya. Me nagbibigay pa sa kaniya ng pagkain. Hirap din ang pamilyang tinitirhan nila kaya hindi sagana sa pagkain.”

Hindi siya nakakibo. Inuunawa ni Vicky ang mga maralita pero ang dating kay Vicky ay hinahamak naman niya ng mga maralita!

Kung magpapaliwanag naman siya ay baka magtalo sila ni Vicky, tuluyan itong magalit sa kaniya.

Nakita niya sa kalsada ang isang babae, humigit-kumulang treinta-anyos, payat, kayumanggi at kupas ang damit. Tinatanaw nito si Jonathan. Nang makita nitong tahimik na nanonood si Jonathan sa mga batang naglalaro, pumasok na uli ito ng bahay. Tiyak na nanay ni Jonathan ang babae, naisaloob niya.

“Kami nga, mahirap din dati. Hirap na hirap sina Papa at Mama sa paghuhulog sa house and lot namin kahit maliit lang. Grade two na ako nang magsimulang lumuwag ang takbo ng buhay namin,” idinugtong ni Vicky.

Lalo nang wala siyang nasabi.

“Papasok na ‘ko,” sabi ni Vicky. Pinatay na nito ang tubig sa garden hose nozzle. Tapos na itong magdilig.

“Sige. Bye.”

“Bye.”

Lungkot na lungkot siya habang namimisikletang pauwi. Nakita niya si Jonathan na nanonood pa rin sa mga batang naglalaro. Napansin din niyang wala na itong hawak na anuman. Wala ring kalat sa tabi nito. Puwedeng si Jonathan mismo ang nagtapon ng balat ng cupcake at juice box sa basurahan. O tinulungan ito ng malaki nang bata o ng kapitbahay.

“ANO kaya ang mabuti kong gawin?” tanong ni Diego.

“Mahirap talaga ‘yan,” sagot ni Robin. Nag-isip ito. “A, alam ko na!” bulalas nito. “Sa grupo tayo magtanong. Baka me maipayo sila. Kaya pumunta ka na.”

“Sige na nga.”

“Sabay na tayong magpunta roon,” sabi ni Robin. Mayamaya, itinanong nito: “Siguro, gusto mong batukan si Jonathan noong pauwi ka na, ano?”

“Di ko puwedeng gawin iyon,” sagot niya. “Magagalit si Vicky. Nginitian ko pa nga si Jonathan noong pauwi na ako. Pagpunta ko uli roon, bibigyan ko si Jonathan ng chocolate!”

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Ubo

$
0
0

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoUbo

Ni Nestor S. Barco

MAY mga pagkakataong nakararamdam ng awa si Carlos sa pamangkin ng kaniyang misis. Pawisan ito tuwing babalik kapag inuutusan niya sa tindahan kahit katanghaliang-tapat. Kung minsa’y inaabutan pa ito ng ambon bagama’t hindi na niya sinasadya iyon.

Gayunman, naisaloob niya, kailangan niyang pangalagaan ang kapakanan ng kaniyang pamilya, lalo na ng kaisa-isang anak na dapat nilang paghandaan ang kinabukasan.

Dalawang linggo nang nakikitira sa kanila ang pamangkin ng kaniyang misis.

“Daddy, andito po si Kuya Jonel, kalaro ko,” salubong sa kaniya noon ni Cris pag-uwi niya galing sa opisina. Nakasunod sa kaniya ang misis niya na kinuha ang mga gamit niya mula sa kotse.

Humalik sa kaniyang pisngi ang pitong taong gulang na anak. Hinalikan din niya ito sa pisngi bago ito bumalik sa pakikipaglaro sa pinsan nito, na paris nito ay lalaki rin.

Nakita ni Carlos sa salas ang isang batang payat, magaspang ang balat at luma ang damit. Mas matanda ito sa anak niya ng tatlong taon. Kiming napatingin sa kaniya ang bata bago nito ipinagpatuloy ang pakikipaglaro sa kaniyang anak.

“O, bakit andito si Jonel?” tanong niya sa kaniyang misis. Napagkasunduan nila na tumigil na ito sa pagtatrabaho upang maalagaan nang husto ang kaisa-isa nilang anak. Dating clerk sa kanilang opisina ang kaniyang misis.

“Ayaw paalisin ni Cris. Nawili sa pakikipaglaro,” tugon ni Josie.

“Sino ang kasama ni Jonel na nagpunta rito?”

“Si Ate Evelyn.”

“Bakit daw?” Kalimitan, pagpupunta sa kanila ng sinuman sa pamilya ng kaniyang misis ay may kailangan.

“N-nanghiram ng pera. W-wala nang pamasahe sa trabaho ang asawa.”

“Pinahiram mo?”

“Wala akong magagawa. Lalong malaking problema kung hindi makapagtatrabaho si Kuya Asyong.”

“Kung umutang ‘yang si Ate Evelyn e hindi nagbabayad. Si Nanay, si Ate Fe, si Kuya Mauro, ganoon din.” Pamilya ng kaniyang misis ang binanggit niya.

“Gipit lang ang mga ‘yon. Wala naman silang ibang matatakbuhan.”

“Alam mo, habang nagbibigay tayo sa iba, anak naman natin ang nawawalan.”

“Alam ko. Napakaraming beses mo nang nasabi sa akin ‘yan,” tugon ni Josie. “Pero pa’no ba’ng gagawin ko sa pamilya ko? Nagtatrabaho naman. Hindi naman maluho. Talaga lang nagigipit!”

Wala silang kibuang mag-asawa nang maghapunan. Wala silang kibuan hanggang sa matulog.

Kinabukasan, wala pa rin silang kibuan. Gayunman, tulad ng dati, ipinagtimpla siya nito ng kape. Inihanda ang mga gagamitin niya sa paliligo. Inihanda ang mga isusuot niya. May kasambahay sila pero si Josie ang nag-aasikaso sa kaniya.

Ipinaghain din siya nito ng agahan. Nauuna siyang kumain dahil kailangan niyang maagang umalis upang pumasok sa opisina. Tulog pa ang anak, pati ang pamangkin ng kaniyang misis na natulog ay sa kuwarto ng kaniyang anak dahil gusto ni Cris na tuluy-tuloy ang kanilang paglalaro.

Wala pa ring kibo si Josie nang ipasok sa kotse ang attaché case niya nang paalis na siya patungong opisina.

Pag-uwi niya kinagabihan, napansin niyang iba na ang suot na damit ng pamangkin ng kaniyang misis bagama’t luma pa rin.

“Nagpunta ba rito kanina si Ate Evelyn?” tanong niya kay Josie.

“Oo, pero hindi nangutang!” sagot nito, na binigyan-diin ang mga salitang hindi nangutang. “Dinalhan lang ng mga damit si Jonel.”

Sa loob-loob niya, nagpatira pa ngayon sa bahay nila ng isang anak ang kaniyang hipag upang makalibre ng isang pakainin. Baka kunin nito ang anak ay pag pasukan na uli sa eskuwela.

Nang gabing iyon, nakaisip siya ng isang paraan upang kusang umalis sa bahay nila ang bata, sumama na sa ina nito pag nagpunta uli sa kanila. Dagdag gastos pa ito sa kanila. Gusto niyang matigil na ang pangmomolestiya sa kanila ng pamilya ng kaniyang misis.

Hindi niya puwedeng deretsang paalisin ang bata. Magtatampo ang kaniyang anak. Wiling-wili ito sa pakikipaglaro sa pinsan nito. Magagalit din nang husto sa kaniya ang misis niya. Kapag kusang umalis ang bata, walang masasabi sa kaniya ang mga ito.

Alam niyang sa simula ay malulungkot si Cris. Pero pag malaon, malilimutan din nito ang pinsan. Isa pa, para rin sa anak kaya niya ito ginagawa.

PERO wiling-wili pa rin sa pakikitira sa kanila ang pamangkin ng kaniyang misis kahit sinasadya niyang pahirapan ito at kinikibo lamang ay pag inuutusan. Siguro, dahil laging masarap ang pagkain sa bahay nila at nakakasama ito sa pamamasyal.

Sa mga lakaran, halatang-halatang hindi nila ito kapamilya dahil sa magaspang nitong balat at lumang damit. Sinasadya niyang huwag itong ibili ng bagong damit dahil baka mag-isip pa ang mga magulang nito na nagugustuhan nila ang pagtira nito sa bahay nila.

Kapag silang dalawa lamang, magkibuan-dili silang mag-asawa. Kung ano ang tanong niya, iyon lamang ang sagot ni Josie. Nag-uusap lamang sila nang maayos kapag kaharap ang anak dahil ayaw nilang ipahalata na nag-aaway sila. Gayunman, parang nakakaramdam na rin si Cris. Nagtatanong na ito kung minsan at pag kaharap nila ay patingin-tingin ito sa kanilang mag-asawa.

Hindi rin sila nagsisiping. Kapag nakahiga sila, nakatalikod sa kaniya si Josie.

Gayunpaman, matatag ang pasya ni Carlos. Hindi nagbabago ang trato niya sa bata.

Isang gabi, panay ang ubo ni Jonel. Noong isang araw pa niya napansing may sipon ito. Nag-alala siyang baka mahawa si Cris. Laging magkalaro ang dalawa at magkasama pa sa pagtulog. Naisip din niyang mas malaking gastos pag lumala ang sakit ni Jonel hanggang sa maospital ito. Tiyak namang sila ang gagastos dahil nasa bahay nila ang pamangkin ng kaniyang misis at walang pera ang mga magulang nito. Ayaw rin naman niyang may mangyari sa bata. Gusto lamang niya ay umalis na ito sa kanila. Awang-awa siya sa bata.

Kinausap niya si Josie:

“Me ubo si Jonel.”

“Mayroon nga,” sagot nito.

“Napatingnan mo na ba sa duktor?”

“Hindi.”

“Bakit hindi mo pinatitingnan?”

“Kung magalit ka. Gastos pa ‘yon,” sagot ni Josie.

“Patingnan mo na sa duktor bukas.”

“E, pa’no ang gastos?”

Hindi na niya itinanong kung magkano pa ang perang nasa misis niya. Binunot niya ang pitaka, humugot ng dalawang lilibuhing piso at iniabot ang pera kay Josie. “O, ayan. Kasya na siguro ‘yan pati sa gamot. Kung kulang pa e humingi ka na lang sa akin.”

“Salamat,” sabi ni Josie, nangingilid ang luha sa tuwa.

NANG nakahiga na sila, kinibo siya ng misis niya kahit wala siyang itinatanong.

“Salamat sa mga tulong mo sa pamilya ko,” sabi ni Josie.

“Kung talagang kailangan, walang problema sa akin. Pamilya mo ‘yon, mahirap mo talagang tiisin ang mga iyon,” tugon niya.

“Alam ko rin namang hindi puwedeng lagi silang nakatakbo sa atin. Lalo ko silang sasabihan na dagdagan nila ang pagsisikap nila,” sabi ni Josie.

“Pero kung talagang kailangan nila ng tulong, okey lang,” tugon niya.

“Oo. Pero hindi dapat na lagi silang nakaasa. Kailangang matuto silang tumayo sa sarili nilang paa,” giit ni Josie.

“Oo. Pero kung talagang kailangan nila ng tulong, okey lang,” ulit niya.

Gumagala ang kamay ni Josie sa kaniyang katawan. Gumagala rin ang kamay niya sa katawan nito. Nag-iinit siya at alam niyang ganoon din ang misis niya.

Nagkatinginan sila. Nag-usap ang kanilang mga mata. Nagkangitian.

Mainit na mainit ang pagtatalik nila, dala na rin marahil ng matagal nilang pagkadiyeta dahil sa pagtitikisan.

NANG gabi ring iyon, nakatulugan na niya ang pag-iisip kung paano makatatayo sa sariling mga paa ang pamilya ng kaniyang misis at kung anong tulong ang maibibigay niya sa mga ito.

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Ang martir

$
0
0

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoAng martir

Ni Nestor S. Barco

TULAD ng pinangangambahan ni Rodel, bumagsak ang ulan. Inabot ng ulan si Nimfa sa supermarket.

Kanina, sinabihan niya ang kaniyang misis na magdala ng payong. Pero ganito ang sagot nito:

“’Wag na. Nagmamadali ako.” Palabas na ito ng gate.

“Ako na ang kukuha. Iaabot ko sa iyo.”

“’Wag na nga. Lalakad na ako.” Nakalabas na ito ng gate.

“Pa’no kung umulan?”

“Hindi uulan.” Lumakad na ito.

Pero umulan nga.

Dinampot niya ang kaniyang cellphone. Tinext niya si Nimfa upang bumili ng payong sa supermarket. Pero pag-send niya ng kaniyang message, nakarinig siya ng tunog ng cellphone sa loob ng bahay nila. Tunog iyon ng cellphone ng kaniyang misis. Ibig-sabihin, naiwan nito ang cellphone.

Kinabahan siya. Baka pag-uwi ni Nimfa ay basa ito ng ulan. Hindi nito maisipang bumili ng payong o maghintay sa pagtila ng ulan.

Pagkaraan ng humigit-kumulang labinlimang minuto, narinig niya ang pagbukas ng kanilang gate.

Sumilip siya. Nangyari nga ang kaniyang pinangangambahan. Basa ng ulan si Nimfa. Hindi ito bumili ng payong. Hindi rin naghintay ng pagtila ng ulan.

Kung tutuusin, hindi malaking abala kanina para kay Nimfa na kunin ang payong. Ilang hakbang lamang ang kinalalagyan ng payong mula sa kinatatayuan nito. Noong nasa supermarket ito, may dala rin itong sapat na pera upang makabili ng payong. Hindi sana ito nabasa ng ulan.

Gayunman, hindi na niya binanggit ang mga iyon kay Nimfa. Tutal, nabasa na ito ng ulan. Sa ibang pagkakataon na lamang niya ito babanggitin sa misis niya. Kapag maganda ang mood nito. Naisaloob na rin lamang niyang huwag sana itong magkasakit.

Sa halip, sinabi niya nang abutan niya ito ng tuwalya: “Magpahinga ka muna at magpahid ng alkohol bago maligo. Magkape ka rin muna.”

Sa kusina pumasok si Nimfa upang malapit na lamang ang lalakaran nito patungo sa kuwartong lagayan nila ng mga damit. Tumuntong ito sa basahan na kaladkad ng mga paa nito habang naglalakad upang maiwasan nitong lumikha ng basa sa dinaraanan.

Dinampot niya ang mga pinamili ni Nimfa na inilapag nito makapasok ng kusina. Ipinatong niya ang mga iyon sa tiles sa kusina. May ginagawa ang kasambahay nila, inaalagaan ang tatlong taong gulang nilang anak. Ang panganay nila, anim na taong gulang, ay nanonood ng TV.

Maya-maya, lumabas ng kuwartong lagayan nila ng mga damit si Nimfa. Nakapagpalit na ito ng damit. Natuyo na rin nito ng tuwalya ang buhok.

Nagpakulo ito ng tubig at inayos sa kusina ang mga pinamili nito. Hindi nito ipinagkakatiwala sa kasambahay nila ang pagluluto.

Alam niya, hinihintay ni Nimfa kung sisisihin niya ito dahil sa pagkabasa sa ulan. Pero nakatapos itong magkape, magpahinga, magpahid ng alkohol, maligo, magbihis, magluto hanggang sa kumain sila ng hapunan at manood ng TV ay wala siyang sinasabi.

Pero naisipan ni Nimfa na tingnan ang cellphone nito.

“Nag-text ka pala,” sabi nito. Umupo uli ito sa sopa, karga ang bunso nila.

“Oo,” sagot niya, walang planong pahabain ang usapan.

Pero sinabi ni Nimfa:

“Hindi ko na inisip bumili ng payong dahil baka magalit ka. Baka sabihin mong nag-aaksaya ako ng pera dahil sobra na ang mga payong natin.”

Kailangan na rin lamang magsalita, nagpaliwanag na siya: “Depende ‘yon sa sitwasyon. Kanina, okey lang bumili ka ng payong kahit me mga payong na tayo dahil mababasa ka ng ulan.” Mahina ang boses niya. Gusto niya’y nagpapaliwanagan lamang sila, hindi nagtatalo, lalo’t kaharap nila sa salas ang dalawang anak. Nasa kusina ang kasambahay nila, naghuhugas ng pinangkanan.

“E bakit kung minsan, sinasabi mong hindi kailangan ang ibang binibili ko?”

“Oo. Pero kanina, hindi sayang kahit bumili ka ng payong.”

“Sinisisi mo ba ako dahil hindi ako nagdala ng payong?”

“Hindi kita sinisisi. Ang sinasabi ko lamang, puwede ka namang hindi nabasa ng ulan.”

“Nagmamadali ako kanina para mabili ang mga kailangan ninyo, para makakain agad kayo.” Lumalakas na ang boses ni Nimfa.

Gayunman, mahina pa rin ang boses niya:

“Puwede naman kaming maghintay kesa magkasakit ka.”

“Hindi baleng magkasakit ako para sa inyo.”

“Kung iniisip mo kami, sana’y ingatan mo ang sarili mo. Nalulungkot kami pag nagkakasakit ka. Nahihirapan din kami dahil hindi mo kami maasikaso. Gastos din iyon. Sana’y nagagamit na natin ang pera sa iba pa nating kailangan kesa ibayad sa duktor at ibili ng gamot.” Mahina pa rin ang boses niya.

“Lahat ng ginagawa ko e para sa inyo!”

Hindi na kumibo si Rodel. Magpapaikut-ikot na lamang ang pag-uusap nila.

Maraming pagkakataon na ganito ang misis niya. Nababasa ito ng ulan o nabibilad sa matinding init ng araw kahit maiiwasan naman nito. Kung minsan naman, kahit sinasabihan niya itong magpahinga na lamang ay itinutuloy pa rin nito ang gustong gawin, halimbawa’y magsaing, gayong puwede namang ang kasambahay na nila – o kahit siya – ang gumawa niyon. Tapos, panay ang daing nito.

May ilang kapitbahay na humahanga kay Nimfa habang naglalakad sa kalsada sa katanghaliang-tapat o inaabot ng ulan sa pagbili ng pagkain o gamot. Ulirang ina ng tahanan si Nimfa, sabi ng mga ito.

Hindi na lamang niya kinokontra ang mga kapitbahay nila. Ayaw naman niyang lumabas na pangit ang misis niya sa paningin ng iba.

Natatandaan pa niya noong nasa kolehiyo pa lamang sila ni Nimfa. Magkasintahan na sila noon. Basambasa ito ng ulan noong dalawin siya nang magkatrangkaso siya.

Bagbag na bagbag ang damdamin niya. Nagtiis itong mabasa ng ulan para lamang dalawin siya!

Hindi lamang iyon. Humahakab ang basang uniporme nito, bakat na bakat ang magandang hubog ng katawan ng kaniyang kasintahan.

Noon din, naipasya niyang hindi niya pakakawalan si Nimfa!

HANGGANG sa mahiga sila ay kibuin-dili siya ni Nimfa. Ipinararamdam nito sa kaniya ang pagtatampo. Ang nasa isip talaga nito ay nagsasakripisyo ito para sa kanilang pamilya pero sinisita pa niya, naisaloob ni Rodel.

Hinayaan na lamang niya si Nimfa. Kung susuyuin niya ito, baka mabale-wala ang mga paliwanag niya. Gusto niyang pag-isipan nito ang mga sinabi niya.

Hindi ba pinapansin si Nimfa noong bata pa kaya nagpapaawa ito upang mapansin? Hindi kaya epekto lamang ito ng panonood nito ng mga drama sa TV?

Hindi siya psychologist kaya hindi niya masasagot. Ang tiyak niya, naaawa pa rin siya sa misis niya kahit kung minsa’y nakakainis na ang ginagawa nito.

Naisaloob niyang magre-research siya sa Internet. O maghahanap siya ng psychotherapist upang maunawaan niya si Nimfa at magpaturo na rin sa psychotherapist kung paano niya pakikitunguhan at kakausapin ang misis niya. Siya ang makikipag-usap sa psychotherapist dahil baka kung ano ang isipin ni Nimfa kung papayuhan niya ito na makipagkita sa psychotherapist. Marami siyang kakilala na kapag nabanggit ang psychotherapist at psychiatrist, ang iniisip na ay may nasisiraan ng ulo. Kaya nga rin hindi na lamang niya ipagmamakaingay ang gagawin.

Hinding-hindi siya nag-iisip na maghuhubad sa lansangan o mananakit ng kapuwa si Nimfa. Kaya nga ordinaryong psychotherapist lamang ang hahanapin niya, hindi pa psychiatrist. Kaya nga rin siya na lamang ang makikipag-usap sa psychotherapist upang magpaturo ng dapat gawin. Sa tingin naman niya’y payo lamang ang kailangan ng misis niya, hindi gamot. Mahilig lamang ito na gayahin ang mga bidang babae sa TV. Pinahihirapan at pinalulungkot tuloy nito ang sarili kahit hindi kailangan. Tulad ngayon, nagtatampo ito – at nalulungkot. Puwede namang masaya ito. Masaya ang pamilya nila.

Gagawin ni Rodel ang lahat para sa kaniyang pamilya.

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Ang bagong kotse

$
0
0

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoAng bagong kotse

Ni Nestor S. Barco

MASAYANG-MASAYA silang mag-asawa nang ilabas nila sa casa ang kanilang bagong kotse.

“Sa wakas, nakapagmaneho rin ako ng brand new,” sabi ni Cynthia habang nasa manibela ang kaliwang kamay at nasa kambiyo naman ang kanan.

“Wala na tayong problema sa sira, di tulad sa dati nating kotse,” sabi ni Eddie, na sa unahan din nakaupo. “Kondisyung-kondisyon talaga ito. Me three-year warranty pa.”

“Makapamamasyal na uli tayo sa malayo. Hindi na tayo matatakot tumirik ang sasakyan natin,” sabi ni Cynthia.

“Oo,” sang-ayon ni Eddie.

Pagdating nila ng bahay, pinagkaguluhan ng mga kapatid, hipag at pamangkin ni Eddie ang bagong kotse. Magkakalapit ang mga bahay nila sa isang subdibisyon.

“Ang ganda ng kulay, hindi dumihin!” Gemstone grey mica ang kulay nito.

“Ang cute!”

“Akmang-akma ang laki nito sa inyo dahil tatatlo naman kayo!”

Ngingiti-ngiti lamang silang mag-asawa.

Nang biglang magtanong si Ernie, nakatatandang kapatid ni Eddie: “Automatic ba ‘to?”

“Manual,” sagot ni Eddie.

“Ba’t di pa automatic?”

“Mahal ang automatic.” Si Eddie uli ang sumagot. Sinulyapan niya si Cynthia. Nakita niyang tumamlay ito.

“Hindi baleng me dagdag sa presyo. Napakasarap gamitin ng automatic,” giit ni Ernie.

Sinulyapan uli ni Eddie si Cynthia. Naglaho nang lahat ang saya nito.

Nainis si Eddie sa misis niya. Bago nila binili ang kotse, nagkasundo na sila. Bakit ngayo’y bigla itong tatamlay dahil lamang sa walang ingat na komento ng kapatid niya?

Ayaw niyang magsumbatan silang mag-asawa sa harap ng pamilya niya. Kaya hindi na lamang niya binanggit iyon. Sa halip, ipinaalala niya kay Cynthia:

“Susunduin mo pa si Michael sa school.” Si Michael ay kaisa-isa nilang anak na nasa grade five.

Tumango lamang si Cynthia, hindi makapagsalita.

Bigla, malungkot na malungkot na rin si Eddie.

NOONG nagbabalak pa lamang silang bumili ng bagong kotse, ganito ang sabi ni Cynthia:

“Gusto ko e automatic para magaan gamitin.” Manual ang transmission ng una nilang kotse. Automatic naman ang ikalawa. Parehong segunda-mano nila nabili ang mga ito.

“Oo,” sagot ni Eddie. Talaga namang gusto niyang ang misis niya ang pumili ng bibilhin nilang kotse dahil ito ang nagmamaneho ng sasakyan nila: sa paghahatid-sundo sa anak nila sa paaralan, sa pamamalengke, sa pagpunta sa duktor at maging sa pamamasyal. Siya ay nagpapahatid at sundo na lamang kay Cynthia papunta at pauwi ng imprenta nila. Kung minsa’y sumasakay na lamang siya ng pedicab o naglalakad na lamang siya dahil hindi naman napakalayo nito sa bahay nila.

Pero ang problema nila ay pera. Nagbalak silang bumili ng bagong kotse hindi dahil sa nagkapera sila kundi dahil hirap na hirap na silang gamitin ang kotse nila, na laging sira.

Nanalangin silang mag-anak sa Diyos na pagkalooban sila ng maayos na sasakyan.

Noong una, palibhasa’y kapos ang pera nila, segunda mano pa rin ang hanap nila, hindi na nga lamang masyadong luma. Ang unang dalawang kotse nila ay parehong mahigit sampung taon nang nagagamit ng may-ari nang mabili nila.

Nagtanong sila sa mga kakilala. Nag-surf sila sa Internet. Tumingin sila sa displeyan. Pero wala silang makitang gusto nilang kotse. Kung minsan, makakaya nila ang presyo pero luma na. Kung minsan naman, bago pa pero namamahalan naman sila. Natatakot din silang sirain ang mabili nila.

Noon naisip ni Cynthia na brand new na ang bilhin nila.

“Kahit pinakamurang brand new e wala tayong pambili nang cash” sabi ni Eddie. Ayaw nilang kumuha ng hulugang sasakyan dahil malaking halaga ang inaabot nito dahil sa tubo. Hindi rin sigurado ang kita ng kanilang imprenta. Kung minsa’y malakas, kung minsa’y mahina. Baka mabatak pa ng banko ang kotse nila.

“Ano kaya’t umutang ka ke Kuya Rufo?” suhestiyon ni Cynthia. Si Rufo ay nakatatanda ring kapatid ni Eddie. Nakaririwasa ito.

“Hindi madaling magsabi,” sabi ni Eddie.

“Manalangin tayo para maging maganda ang sagot niya,” sabi ni Cynthia.

“Sige,” sagot ni Eddie. Naisaloob niyang mainam na rin ang brand new upang makapili sila ng gusto nilang kotse, pati kulay nito, hindi tulad sa segunda-mano na kung ano na lamang ang matiyempuhan nilang ibinebenta at makakaya ng badyet nila.

Nanalangin silang mag-anak. Nag-ipon din siya ng sapat na lakas ng loob bago niya kinausap ang nakatatandang kapatid. Pumayag naman ito na pautangin sila pero hindi sinlaki ng sinabi niyang halaga na pandagdag sa napagbentahan ng segunda-mano nilang kotse at kaunting naipon nila.

“Ang solusyon na lamang para makabili tayo ng brand new e manual transmission,” sabi ni Eddie.

Hindi nakakibo si Cynthia.

Idinugtong ni Eddie: “Pag-isipin mong mabuti. Mahirap ‘yong magsisihan tayo kung kelan nabili na natin ang kotse.”

Kinabukasan, ganito ang sinabi ni Cynthia: “Sige, payag na ako sa manual.”

“Sigurado ka, ha? Walang sisihan pagkatapos.”

“Sigurado ako. Walang sisihan pagkatapos.”

PERO bakit ngayon ay tinabangan na ito sa kotse nila?

Gayunman, hindi niya sinumbatan si Cynthia. Naisaloob ni Eddie na lalong kawawa ang lalabasan nila kung magkakagalit pa sila. Sa halip na saya, lungkot pa ang dulot sa kanila ng bagong kotse nila. Bale ba, magbabayad pa sila ng malaking utang sa kaniyang kapatid!

Naaawa na rin siya kay Cynthia dahil sa nakikita niyang lungkot nito.

Kung ibebenta naman nila ang kotse, tiyak na babaratin sila.

Pero siya, hindi ba’t talagang gusto niya ang nabili nilang kotse? Mas matipid ito sa gasolina kaysa nauna nilang dalawang kotse na parehong 1.6-liter ang mga makina. Nakatitipid na sila ng pera, nakatutulong pa sila sa pagsugpo sa global warming. Hindi napakalaki ng halaga nito kaya hindi nasasakripisyo ang iba pang ginagawa nilang mag-anak na nangangailangan din ng paggasta, tulad ng pamamasyal. Naisip din niya: Humingi sila sa Diyos. Ito ang dumating sa kanila. Bakit sila magrereklamo?

Ipinakita ni Eddie sa misis niya ang pagpapahalaga niya sa kanilang kotse. Lagi niyang tsine-check ito. Nililinis. Kapag may pinupuntahan silang mag-anak, hindi man siya nagsasalita, makikita sa kilos niya na sarap na sarap siyang sumakay sa kotse nila. Malimit ding makita ni Cynthia na minamasdan niya ang kanilang kotse. Iniwasan na lamang niyang banggitin pa ang tungkol sa transmission nito.

Isang araw, sinabi sa kaniya ni Cynthia:

“Napansin ko, mahal na mahal mo ang kotse natin.”

“Siyempre, ngayon lang ako nagkaroon ng kotse na brand new at talagang gusto ko,” sagot ni Eddie. Pabiro pa niyang idinagdag: “Hanggang ngayon nga, hindi pa rin ako makapaniwala na kotse na natin ‘yan.”

Napatawa si Cynthia.

Mula noon, napansin ni Eddie na nagbago ang pagtingin nito sa kotse nila. Alagang-alaga na nito ang kotse. Kapag lumalakad silang mag-anak, masaya ito sa pagmamaneho.

Muli, napatunayan niyang mahal siya ng misis niya. Pinahahalagahan nito ang bagay na mahalaga sa kaniya.

Masayang-masaya uli sila.

MALAKAS na rin lamang ang loob dahil alam niyang kahit paano ang mangyari ay pahahalagahan ni Cynthia ang kotse nila, naisipan ni Eddie na tingnan sa Internet kung ano nga ba ang mga pagkakaiba ng manual transmission at automatic transmission bukod sa mas mura ang una pero mas maginhawa namang gamitin ang huli.

Binanggit agad niya kay Cynthia ang nabasa:

“Mas matipid pala sa gasolina ang manual. Mas matipid din sa maintenance at repair. Maitatabi natin ang pera o magagamit sa iba pang pagkakagastahan. Hindi ka naman araw-araw na nagmamaneho sa buhul-buhol na trapik kaya hindi ka rin masyadong mapapagod sa manual. Mas angkop din pala ang manual transmission sa 1.2-liter na makina natin para nagagamit nang husto ang limitado nitong engine power. Na kailangan dahil lagi tayong umaakyat ng Tagaytay.”

“Akmang-akma pala talaga sa paggamit natin ang kotse natin,” nasabi ni Cynthia.

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Kawawang lalaki 1

$
0
0
Maikling Kuwento ni Nestor S. Barco

Kawawang lalaki

Unang yugto

Ni Nestor S. Barco

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.

TULAD ng dati, napuna ni Elmer na walang anuman sa mga kasamahan sa trabaho kahit makitang magkasabay sila ni Merly palabas ng opisina. Walang nabago sa ekspresyon ng mukha ng mga ito. Ipinagpatuloy ng mga ito kung anuman ang ginagawa.

Sabagay, kulang-kulang isang taon nang lagi silang magkasabay ng dalaga kung lumabas ng opisina kapag pauwi na. Naghihintayan talaga sila. Nasanay na ang mga ito.

Hindi sila pinansin kahit ng security guard habang palabas sila ng gusali ng publikasyon. Nasanay na rin ito.

Ngayong gabi, kakain uli sila ni Merly sa paborito nilang restawran sa M. H. del Pilar St. Kanina pa nila napagkasunduan ito. Hindi kamahalan doon pero masasarap ang mga pagkain. Ayaw ni Merly na sa mamahaling restawran sila kumain. Ni ayaw nitong magtaksi sila. Ayaw nitong pagastusin siya nang malaki. Ilang beses na itong nagpahayag ng pagkahiya sa lagi niyang paglilibre. Sinabihan nga lamang niya itong huwag alalahanin iyon dahil nasasayahan naman siyang kasama ito – na totoo naman. Isa pa, maayos naman ang kaniyang suweldo bilang associate editor ng pinagtatrabahuhan nilang broadsheet.

Bukod sa paglilibre sa pagkain sa labas, lagi rin niyang inililibre si Merly sa pasahe pauwi ng Cavite mula sa opisina nila sa Port Area, Manila. Siya ay sa Imus nakatira at sa Bacoor naman si Merly. Siya ay taal na Kabitenyo. Si Merly naman ay isinilang at lumaki sa Maynila. Pero limang taon na ang nakararaan, nakabili ang mga magulang nito ng house and lot sa isang subdibisyon sa Bacoor.

Sinulyapan ni Elmer ang magagandang binti ni Merly na nasinagan ng ilaw ng sasakyan sa likuran nila nang sumasakay na sila ng pampasaherong dyip na dadaan sa paborito nilang restawran. Tulad ng dati, pinauna niya sa pagsakay ang dalaga. Nakapalda ito. Nagdulot sa kaniya ng kasiyahan ang magandang tanawing iyon.

Ang totoo, mas gusto ni Elmer na sa pampasaherong dyip sila sumasakay. Bukod sa matipid, magkatabi sila ni Merly. Nagkakadikit ang mga katawan nila, lalo’t puno ng mga pasahero. Sa taksi, puwedeng nakaupo siya sa unahan, katabi ng drayber, habang sa likuran naman nakaupo si Merly. Kahit parehong sa likuran sila nakaupo, nasa magkabilang gilid naman sila. Gustung-gusto niya ang dama ng katawan ng dalaga sa katawan niya. Nalalanghap din niya ang likas na samyo ng katawan nito. Napakalinis ni Merly sa katawan.

Pagdating sa tapat ng paborito nilang restawran, nauna siyang bumaba ng pampasaherong dyip. Inalalayan niya si Merly sa pagbaba nito, na gustung-gusto naman niyang gawin dahil nagkakaroon siya ng pagkakataong mahawakan ang kamay nito. Damang-dama niya ang lambot ng palad ng dalaga.

Ipinagbukas niya ng pinto si Merly papasok ng restawran. Iniayos din niya ang upuan nito nang nasa loob na sila.

“Pumili ka ng gusto mo,” sabi niya kay Merly habang binabasa nila ang menu card na iniabot ng waiter nang makaupo na sila.

“Sige. Ikaw ang bahala. Ikaw naman ang magbabayad, e,” tugon ng dalaga. Napatawa ito. Napatawa rin siya.

Gustung-gusto niya ang malambing na boses at masiglang tawa ni Merly. Gustung-gusto rin niya ang nangingislap nitong mga mata habang tumatawa ito.

Natitigan pa niya ang medyo makakapal nitong mga labi. Ang sarap sigurong halikan ang mga labing iyon! naisaloob ni Elmer.

Minasdan ni Elmer ang buhok ni Merly sa pagkakatungo ng dalaga habang namimili ito sa menu card ng oorderin. Hanggang balikat ang maitim nitong buhok at hati sa gitna ang pagkakasuklay. Napakaayos ng pagkakasuklay ng buhok nito. Lagi ring malinis at nangingintab.

“Paspasan ang trabaho natin kanina, ano?” baling ni Elmer kay Merly nang masabi na nila sa waiter ang kanilang order.

“Oo,” tugon ng dalaga. “Di bale. Sanay na naman ako.”

Talaga namang laging paspasan ang trabaho sa pahayagan, lalo’t malapit na ang deadline. Binanggit lamang iyon ni Elmer upang may mapag-usapan sila. Kung minsan, kapag magkasama silang kumakain sa labas ay pareho silang biglang natatahimik. Nakadarama sila ng pagkaasiwa sa sitwasyon. Bakit nga ba laging yayakagin ng isang binata ang isang dalaga upang kumain sa labas, bukod sa laging paglilibre sa pasahe, kung wala naman siyang balak ligawan ito? Kahit sino ang makaalam sa mga ginagawa niya, tiyak na iisiping may kursunada siya kay Merly.

Nararamdaman niya, nag-iisip na rin si Merly. Nahihiya lamang itong magtanong.

Asikasung-asikaso siya ni Merly, tulad ng isang ulirang kabiyak sa kaniyang mahal na mister, habang kumakain sila makaraang dumating ang kanilang order.

Naisaloob ni Elmer na tiyak na lagi siyang gaganahang kumain kung ganito ang gagawing pag-aasikaso sa kaniya ni Merly kung mag-asawa na sila. Bukod pa sa pangyayaring mahusay magluto ang dalaga. Malimit, nagdadala ito sa opisina ng pagkaing ito ang nagluto at pinasasalo siya. Kaya kung lagi man niyang inililibre si Merly sa pasahe, malimit naman siyang libre sa pagkain. Naisaloob din niyang kung magiging mag-asawa sila, malamang na magiging maligaya sila dahil magkasundung-magkasundo na sila ngayon pa lamang. Maaangkin na rin niya ang dalaga. Kahit araw-araw. O gabi-gabi. Nasa hustong gulang na naman siya upang mag-asawa, 30-anyos. Gayundin si Merly na 26-anyos. Kapuwa rin sila malayang-malaya. Binatang-binata siya at walang girlfriend sa kasalukuyan. Dalaga si Merly at tiyak na wala ring boyfriend. Kung may boyfriend ito, na hindi taga-publikasyon nila, disin sana’y sinusundo ito kahit paminsan-minsan man lamang.

“Gising pa kaya si Mervin pagdating mo sa inyo?” banggit ni Elmer kay Merly habang nagpapahinga sila matapos kumain. Nakapagbayad na siya at naghihintay na lamang ng sukli. Alas-10:15 na.

“Malamang tulog na iyon,” tugon ni Merly. “Me pasok siya bukas.”

Si Mervin ay anak ni Merly. Anak sa pagkadalaga. Pitong taong gulang na ang batang lalaki. Una niyang nalaman ito mula sa isang babaeng kasamahan nila sa trabaho. Nagkuwento rin mismo si Merly sa kaniya tungkol sa nakaraan nito nang lagi na silang nagsasabay sa pag-uwi.

Nang dumating ang sukli, nag-iwan si Elmer ng kaunting tip at lumabas na sila ng restawran.

Sumakay uli sila ng pampasaherong dyip. Muli, sinulyapan niya ang magagandang binti ni Merly na nasinagan ng ilaw ng sasakyan sa likuran nila habang umaakyat ito ng pampasaherong dyip at nakasunod naman siya.

Inalalayan uli niya si Merly nang bumaba sila sa Edsa Extension sa Pasay City.

Inalalayan ito habang tumatawid sila sa Roxas Blvd. sa ilalim ng flyover. Nahahawakan niya ang braso nito. Sabihin pa, gustung-gusto niyang gawin iyon.

Sinulyapan uli niya ang magagandang binti nito habang umaakyat ito ng pampasaherong dyip na biyaheng Cavite at nakasunod uli siya. Gandang-ganda talaga siya sa mga binti ni Merly.

“Ingat,” sabi niya kay Merly nang pababa na ito ng pampasaherong dyip.

“Salamat. Ingat din,” tugon nito, nakangiti.

“Salamat,” tugon din niya, nakangiti rin.

Sasakay na lamang si Merly ng traysikel pauwi ng bahay.

Dalagang ina si Merly. Iyon ang dahilan kaya nag-aalangan siyang ligawan ito!

ITUTULOY

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.


Kawawang lalaki 2

$
0
0
Maikling Kuwento ni Nestor S. Barco

Kawawang lalaki

Huling yugto

Ni Nestor S. Barco

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.

HUMAHANGA si Elmer sa mga lalaking naipakipaglaban ang kanilang pag-ibig at pinakasalan ang minamahal nilang babae kahit ito ay prostitute, disgrasyada, balo, weytres o kasambahay. Humahanga rin siya sa mga taong nagpipilit bumangon matapos bumagsak o nagsisikap iangat ang kalagayan nila sa buhay.

Pero ngayong siya na ang nasa ganitong sitwasyon, natatakot siya sa sasabihin ng kaniyang pamilya, mga kamag-anak, kaibigan at kakilala. Sa lugar pa naman nila, kapag nagpakasal ang isang binata o dalaga ay itinatanong ng mga tagaroon kung sino at tagasaan ang napangasawa. Natatakot siya sa iniisip niyang magiging usapan sa opisina kapag nabalitang magpapakasal na sila ni Merly. Kahit pa nga matagal na naman silang tinutukso ng ilang babaeng kasamahan nila sa trabaho. Ang mga ito rin ang nagsasabi sa kaniya na may gusto sa kaniya si Merly. Halatang-halata raw. Blooming pa nga raw ito. Kung minsan nga, baka nag-iisip na ang mga kasamahan nila sa opisina na magnobyo na sila ni Merly. Malihim lamang sila. Tumigil na rin ang ibang lalaki sa opisina sa paglapit-lapit at pagbiru-biro sa dalaga. Para bang itinuturing sa opisina na kaniya na si Merly. Kaya lamang hindi pa siya nahihiya ngayon ay dahil hindi pa naman talaga niya nililigawan ang dalagang ina.

Sa kaniyang sarili, nararamdaman din ni Elmer na malamang sagutin siya ng dalaga kung liligawan niya ito.

Kung liligawan niya si Merly, titiyakin muna niya sa kaniyang sarili na pangangatawanan niya ito at handa itong pakasalan. Minsan nang nasaktan si Merly. Ayaw niyang masaktan uli ito. At ang anak nito! Tiyak na daramdamin ng bata kung makikitang malungkot at lumuluha ang ina. Magdaramdam din uli ang pamilya ni Merly kung masasaktan uli ang dalaga.

Noong bagu-bago pa lamang siya sa pinagtatrabahuhan nilang broadsheet (nauna kaysa kaniya na napapasok doon si Merly, na isang encoder/layout artist) ay wala pa siyang gusto sa dalaga. Hindi niya pansin noon si Merly na pangkaraniwan lamang sa paningin niya. Hindi masasabing maganda kung hindi rin naman masasabing pangit. Katamtaman ang taas. Medyo maputi. Balingkinitan ang katawan. Hindi masasabing seksi. Katamtaman lamang ang umbok ng puwit nito. At karaniwan lamang ang posisyon sa opisina. Awa lamang ang dahilan kaya siya naging mabait at magiliw sa pakikitungo sa dalaga makaraang malaman niya mula sa isang babaeng kasamahan nila sa trabaho ang pinagdaanan nitong pagsubok sa buhay. Nang malaman din niyang sa Cavite ito umuuwi, sinadya niyang sabayan ito para mailibre sa pasahe. Tulong na niya iyon kay Merly na single mother. Kapag may kainan sa opisina, sinasabayan din niya ito sa pagkain. Hanggang sa dumating ang panahong naghihintayan na sila sa pag-uwi. Magkasabay ang kanilang day-off kaya araw-araw na may pasok sila sa opisina ay magkasabay sila sa pag-uwi. Nagsimula na rin silang kumain sa labas. Kung hindi rin lamang malaki ang aga ng pasok nito kaysa kaniya, baka nagsabay na rin sila sa pagpasok sa opisina.

Habang nagtatagal, natagpuan niyang kaakit-akit si Merly. Napakalinis nito sa katawan. Gandang-ganda siya sa mga binti nito. Laging nangingintab at maayos ang pagkakasuklay ng buhok nito. Gustung-gusto niya ang malambing nitong boses, masiglang tawa at nangingislap na mga mata. Kaysarap manding halikan ang medyo makakapal nitong mga labi. Malamang na ang mga katangiang ito ni Merly ang pumukaw sa pagkalalaki ng ilang kaopisinang lalaki na dating palapit-lapit at pabiru-biro sa dalaga.

Bumibilis ang tibok ng puso niya sa likas na samyo ng katawan nito at dama ng katawan nito sa kaniyang katawan habang magkatabi sila sa sasakyan. Parang hinahaplos ang dibdib niya sa dama ng malambot nitong palad at makinis na braso habang inaalalayan niya ito sa pagbaba ng sasakyan at pagtawid sa lansangan.

At may iba pang mga katangian si Merly: may tatag ng karakter, mabait, matalino at mahusay magluto.

Naisip ni Elmer ang lalaking nakabuntis kay Merly, na una (at huli) nitong boyfriend. Bago nagtrabaho sa ibang bansa bilang construction worker ang lalaking iyon, hiniling nito kay Merly na makatalik siya bilang pabaon niya rito. Pero ayaw tanggapin ng lalaking iyon na minsan lamang silang nagtalik ay nabuntis na si Merly. Kahit pa birhen si Merly nang makuha nito. Galit na galit ang tugon nito sa overseas call nang ibalita ni Merly na buntis siya. Paano raw mabubuntis si Merly gayong isang beses lamang silang nagtalik! Baka raw may iba nang lalaki na gumalaw kay Merly nang makaalis ito. Puwedeng alam din ng lalaking iyon na puwedeng mabuntis ang isang babae kahit sa minsang pagtatalik pero gumagawa lamang ito ng dahilan upang makatakas sa pananagutan. Puwedeng may nakilala na itong ibang babae sa ibang bansa. Puwede ring talagang hindi nito alam na puwedeng mabuntis ang isang babae kahit sa minsang pagtatalik lamang. Baka nga, lungkot na lungkot pa ito sa pag-aakalang pinagtaksilan siya ni Merly! Sa ano’t anuman, naputol na ang komunikasyon ng dalawa at wala nang nabalitaan pang anuman si Merly tungkol sa lalaking iyon. Sabi ni Merly, nawala nang lahat ang pagmamahal sa lalaking iyon.

Hinangaan niya si Merly kung paano nito hinarap ang pagsubok, ipinagpatuloy ang buhay at ngayon ay nagagawa pa nitong maging masaya. Pinalaki nito nang maayos ang anak. Nakikipisan pa rin si Merly sa mga magulang nito bagama’t solo nito ang gastos sa pagpapalaki at pagpapaaral sa anak.

Naisip uli ni Elmer ang lalaking iyon na pinalampas pa ang pagkakataong maging asawa ang isang tulad ni Merly. Puwedeng hindi pa bumubukadkad noon ang pisikal na pang-akit ni Merly. May ganoong babae. Sigurado ring hindi nito nasaksihan ang ningning ng karakter ni Merly dahil lumutang naman lamang iyon makaraang malampasan na nito ang pagsubok.

Kung hindi rin lamang maligaya sa naging asawa, tiyak na manghihinayang ang lalaking iyon kapag nakita nito ngayon si Merly. Kung sakali, kawawa naman ito. At lalo itong kawawa kung pinalampas nito ang pagkakataong maging asawa ang isang tulad ni Merly dahil lamang talagang hindi nito alam na puwedeng mabuntis ang isang babae kahit sa minsang pagtatalik lamang.

Alam niya, manghihinayang siya nang husto at daramdamin niya nang labis kung makawawala pa sa kaniya si Merly. Pagmamahal na ang nadarama niya para sa dalagang ina, hindi na lamang awa at pisikal na atraksiyon.

Isa pang dahilan kaya lagi niyang sinasabayan si Merly sa pag-uwi ay upang tiyakin na walang ibang lalaki na makalalapit dito.

Pero kung hindi naman siya nanliligaw, baka dumating ang pagkakataong mag-isip si Merly na talagang kaibigan lamang ang turing niya rito. Baka kung may manligaw na uli rito, halimbawa’y sa subdibisyon na tinitirhan nito, ay sagutin na nito. Kung magkakagayon, magiging kawawa siya!

Sa loob ng mahabang panahon, wala nang naging boyfriend uli si Merly dahil naging maingat na ito sa pakikipagrelasyon uli sa lalaki. Pero tao pa rin si Merly, na nalulungkot. Gugustuhin pa rin nitong lumigaya.

Bumuo ng pasya si Elmer. Liligawan na niya si Merly.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Ang aksidente

$
0
0
Maikling Kuwento ni Nestor S. Barco

Ang aksidente

Ni Nestor S. Barco

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.

SAMPUNG taon na ang nakararaan pero hindi pa rin malimutan ni Allan ang pangyayari.

“Kuya, samahan mo naman ako sa palengke, me bibilin lang akong laruan,” hiling noon sa kaniya ni Larry. Labing-isang taong gulang noon ang bunsong kapatid.

“Nagre-review ako…” tutol niya.

“Puro ka na lang review! Review!” maktol nito.

Napatawa na lamang siya. “Para rin sa atin ‘to,” paliwanag niya.

“Hindi mo na nga ako pinapansin, e. Puro ka na lang review, review,” sabi ni Larry, saka malungkot na umalis.

Naawa siya sa bunsong kapatid. Noong hindi pa siya nagre-review para sa CPA board exam, lagi niyang sinasamahan si Larry kapag may gusto itong puntahan, lalo’t kailangang sumakay ng sasakyan at tumawid ng highway. Hindi pa ito sanay sa pagsakay ng sasakyan at pagtawid ng highway. Kung ito man ay naglalakad lamang kapag pumapasok sa paaralan, iyon ay dahil malapit lamang ang public elementary school mula sa bahay nila at hindi nito kailangang sumakay ng sasakyan o tumawid ng highway.

Palibhasa’y bata pa, hindi pa nauunawaan ng kapatid kung bakit panay ang pagre-review niya para sa board exam. Gusto niyang mapabilang sa top ten hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi upang makatulong din sa pamilya nila. Siya ang panganay na anak.

Kung hindi nga lamang siya naging iskolar, tiyak na tigil sa pag-aaral ang isa sa kanila ni Bernie, sumunod sa kaniya at mas bata sa kaniya nang dalawang taon. Hindi makakaya ng mga magulang na magpaaral ng dalawang anak nang sabay sa kolehiyo, lalo’t may iba pang mga anak na pinag-aaral. Nagpapasada lamang ng pampasaherong dyip ang ama. Noong nasa fifth year na siya ng BS in Accountancy at nasa third year naman si Bernie sa BS in Civil Engineering, dalawang kapatid nila ang nasa haiskul: si Nancy, mas bata nang tatlong taon kay Bernie, nasa fourth year at si Lito, mas bata nang tatlong taon kay Nancy, nasa first year. Nasa elementarya si Larry, mas bata nang tatlong taon kay Lito.

Ipinagpatuloy niya ang pagbabasa ng study materials. Hindi niya namalayan ang pagdaan ng mga sandali. Nagulat na lamang siya sa pagkakagulo sa kanilang bahay.

Lumabas siya ng kuwarto.

“Bakit?” tanong niya.

“Si Larry nabundol ng kotse!” sagot ni Nancy.

“Ha! Asan siya ngayon?”

“Nasa ospital. Tumakbo na roon ang tatay at nanay!”

“Diyos ko, iligtas Mo po ang kapatid ko! Iligtas Mo po!” sa kaniyang sarili ay naiusal niya ng dalangin.

Nalaman niya na sumama ang kapatid sa ilang kalaro papunta ng palengke. Pero nabundol ito ng kotse sa pagtawid ng kalsada.

Nakauwi ang kapatid pero nakasemento ang kaliwang paa at nakasaklay. Hindi naman nagpabaya ang lalaking nakabundol hanggang sa ganap na gumaling ang kapatid.

Awang-awa siya sa kapatid. Kung maibabalik lamang ang pangyayari, sasamahan na niya ito sa palengke.

Gayunman, ipinagpatuloy niya ang pagre-review. Hindi na maibabalik ang nakaraan.

Nang lumabas ang resulta ng board exam, topnotcher pa siya. Tuwang-tuwa ang pamilya nila. Naghanda ang mga magulang nang makakaya ng mga ito.

Sa kabila nito, lagi niyang naaalala ang nangyari. Naiisip niya: paano kung napabilis ang takbo ng kotse? Kung namatay o nagkaroon ng permanenteng pinsala ang kapatid, halimbawa’y naputulan ng paa o kamay, baka hindi niya mapatawad ang sarili. Nagpasalamat siya sa Diyos na ganoon na lamang ang nangyari.

Kung minsan, iniisip niyang bakit ba niya sisisihin nang husto ang sarili gayong may iba pa siyang mga kapatid na dapat tumitingin din sa kanilang bunso! Pero bigla rin niyang maiisip na sa kaniya nagpapasama si Larry sa pagpunta sa palengke kaya dapat na sinamahan niya ito. Maiisip naman niyang may mahalaga siyang ginagawa noon. Pero maiisip uli niya na sa kaniya nagpapasama si Larry kaya dapat na sinamahan niya ito. Paikut-ikot na lamang ang pag-iisip niya.

Gayunman, hindi niya sinisi ang mga kapatid. Ayaw niyang magkaroon ng guilty feelings ang mga ito.

NAALALA uli niya ang pangyayari ngayong magkikita-kita silang magkakapatid sa bahay ng mga magulang nila. Birthday ng ama nila at doon ang handaan.

Kasama niyang nagpunta roon ang misis niya at ang anak nila, na lalaki. Buntis uli ang misis niya.

Maayos na maayos na ang bahay ng mga magulang. Siya ang unang nagpaayos ng bahay na ito at marami rin siyang nabiling mga kasangkapan. Patuloy na naipaayos ang bahay at nadagdagan ng mga kasangkapan palibhasa’y kumikita nang maayos ang auto supply ng mga magulang. Siya ang nagbigay ng puhunan upang makapagsimula ng negosyo ang mga ito. Pinangatawanan niya ang pangako sa sarili na tutulong siya sa kanilang pamilya kapag kumikita na siya nang maayos, na nangyari palibhasa’y nag-topnotcher siya sa CPA board exam.

Panay ang kumustahan nilang magkakapatid. Nagbeso-beso pa ang misis niya, si Nancy at ang misis ni Bernie. May isa na ring anak si Bernie at ang misis nito, lalaki rin. Si Nancy ay bagong kasal pa lamang. Kasama rin nito ang mister nito. Sina Lito at Larry ay parehong binata pa at sa bahay ng mga magulang nakatira.

Patuloy ang pagdating ng mga bisita: mga kamag-anak, kaibigan at kapitbahay. Pinupuri ng mga ito ang kanilang mga magulang dahil bukod sa maayos ang kabuhayan ay propesyunal pa ang mga anak.

Si Bernie ay licensed civil engineer at nagtatrabaho sa isang construction company.

Si Nancy ay isa na ring certified public accountant. Tulad niya, nagtatrabaho rin ito sa isang kompanya sa Makati City.

Si Lito ay isa na ring licensed civil engineer at nagtatrabaho sa isang construction company.

Si Larry na lamang, na gustong maging duktor, ang nag-aaral. Nasa pre-med na ito.

Mula nang magtrabaho si Allan, tumulong na siya sa kaniyang mga magulang sa pagpapaaral sa mga kapatid. Bukod sa pagbabayad ng matrikula, binibigyan din niya ng pera ang mga kapatid upang huwag magutom sa paaralan, mabili ang mga kailangang gamit sa pag-aaral at makapagdamit nang maayos. Noong nag-aaral pa siya, malimit siyang magtiis ng gutom. Lagi ring luma ang damit at sapatos niya kaya naging mahiyain siya.

Noong tumutulong na rin si Bernie sa pagpapaaral ng nakababata nilang mga kapatid, tinulungan na rin ni Allan ang mga magulang na magbukas ng auto supply. Sumunod ay ipinaayos niya ang bahay nila at bumili ng mga kasangkapan.

Nang mag-asawa na siya, sinabihan siya ng mga magulang, ni Bernie at ni Nancy, na nagtatrabaho na rin noon, na sariling pamilya naman niya ang intindihin niya. Sobra-sobra na ang naitulong niya sa kanilang pamilya, sabi pa ng mga ito. Makakaya na ng mga ito na pagtapusin ng kolehiyo si Lito, nasa third year noon, at patuloy na pag-aralin si Larry, nasa huling taon noon sa haiskul.

Kayang-kaya na ng mga magulang na papagtapusin ng pag-aaral si Larry kahit pa matagal at magastos ang napili nitong kurso at ibigay ang mga kailangan nito. Hindi na kailangang tumulong pa silang magkakapatid. Gayunman, lagi pa rin niyang tinitiyak na kumpleto sa mga kailangan ang bunsong kapatid. Bumabawi siya dahil sa aksidente.

Hindi na napag-uusapan pa nilang magkakapatid ang tungkol sa aksidente.

Si Larry? Wala ni anumang bakas sa katawan at lakad nito ng naganap na aksidente. Wala na itong binabanggit na anuman tungkol sa nangyari sampung taon na ang nakararaan. Kung may binabanggit man ito ay ang mga itinulong niya sa kanilang pamilya, na nagawa niya dahil sa pagiging topnotcher sa board exam.

Nang sabay-sabay nang kakain ang kanilang pamilya, lumapit sa kaniya ang bunsong kapatid.

“Kuya, halika na,” yakag nito, nakangiti. Nginitian din nito ang misis niya at ang anak niya.

“Sige. Tena na,” tugon niya, nakangiti rin.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Ang matandang lalaki na mumurahin ang damit

$
0
0
Maikling Kuwento ni Nestor S. Barco

Ang matandang lalaki
na mumurahin ang damit

Ni Nestor S. Barco

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.

ISANG palaisipan para kay Dante ang matandang lalaking iyon.

Ang una niyang napansin ay ang magiliw na pakikitungo ng mga nagtatrabaho sa coffee shop sa matandang lalaki. Gayunman, isinaloob niyang walang katakataka roon dahil bahagi ng trabaho ng mga ito na pakitunguhan nang maayos kahit sinong kustomer, kahit pa aba sa tingin ng mga ito. Sa tingin niya, kung sino lamang ang matandang lalaki. Kitang-kita na mumurahin lamang ang mga damit na isinusuot nito. Napuna rin niyang mumurahin din ang relos at cellphone nito.

Isa pa, naobserbahan niyang nagbibigay ng tip ang matandang lalaki. Hindi man malaki, tip pa rin iyon. Nagugulat nga siya na nagbibigay pa ng tip ang matandang lalaki. Iyon lamang pag-iistambay nito sa coffee shop ay ipinagtataka na niya. Wala naman itong kausap doon. Lagi itong nag-iisa. Nagbabasa ng libro o nagsusulat. Kapag napagod, pinanonood nito ang mga taong naglalakad. Ang coffee shop ay nasa loob ng mall.

Mababa ang boses nito kung makipag-usap sa mga nagtatrabaho sa coffee shop. Laging nakangiti. Siyempre, nakagigiliw ang mga iyon.

Pero ang unang talagang ikinagulat niya ay nang mapasyal sa coffee shop na pinag-iistambayan niya ang gobernador ng probinsiya nila.

Naroon din noon ang matandang lalaki. Nagsusulat ito.

Napalingon ang matandang lalaki nang umingit ang mga silya sa pagtayo ng mga nakaupo sa pinagdugtong na dalawang mesa noong dumating ang gobernador, kasunod ang dalawang bodyguard.

Nang magkatinginan ang gobernador at ang matandang lalaki, nakita niya sa anyo ng dalawa na magkakilala ang mga ito. Nagngitian at nagkawayan pa ang mga ito bago umupo ang gobernador sa mesa ng mga naghihintay sa kaniya.

Ang ikinagulat pa niya, parang bale-wala sa matandang lalaki na binati ito ng gobernador. Ipinagpatuloy nito ang pagsusulat. Kung sa kaniya nangyari iyon, proud na proud siya sa mga nakakita.

Napansin din niya, hindi pangkaraniwan lamang ang tingin ng gobernador sa matandang lalaki.

Minsan naman, nakita niyang kausap ng matandang lalaki ang isang lalaki na kilalang mayaman sa lungsod nila. Simpling-simple lamang ang suot na T-shirt, pantalon at sandalyas ng matandang lalaki habang halatang-halata namang mamahalin ang suot na polo-shirt, pantalon at sapatos ng mayamang lalaki. Gayunman, nag-uusap ang dalawa nang magkapantay lamang!

DALAWA o tatlong beses sa isang linggo, depende kung may pera siya, dumaraan si Dante sa coffee shop pagkakagaling niya ng trabaho. Kapag may naglilibre sa kaniya, nagiging apat hanggang limang beses pa iyon pero hindi na lumalampas pa roon dahil nagpupunta lamang naman siya sa coffee shop kapag mga araw na may pasok sa gobyerno. Nagtatrabaho siya sa city hall. Napapasok siya roon isang taon na ang nakararaan.

Mahilig naman talaga si Dante sa kape. Isa pa, nalilibang siyang mag-istambay sa coffee shop dahil maraming tao siyang nakikita.

Proud din siya na makita ng mga kakilala na nag-iistambay siya sa coffee shop, lalo’t kaumpok siya ng mga kilalang tao at pulitiko sa lungsod nila. Sa pakiramdam niya, bigatin na rin siya. Lihim din siyang umaasa na baka mabigyan ng pagkakataon ng mga ito upang yumaman.

Pinipilit niyang magdamit nang magara dahil ayaw niyang maging alangan sa mga nakakaharap niya. Kapag araw lamang ng Lunes obligado na magsuot ng uniporme ang mga empleado’t empleada ng city hall.

Naobserbahan din niyang malimit na hindi pinapansin sa city hall ang nagpupunta roong mga mamamayan na mumurahin lamang ang suot na damit.

Iyon din ang dahilan kaya dati’y hindi niya pinapansin ang matandang lalaki.

NAIPASYA niyang usisain ang babaeng nagdudulot ng kape.

“Alam mo ba ang pangalan ng matandang lalaki na nakaupo roon kanina?” panimula niya. Kaaalis lamang noon ng matandang lalaki.

“A, si Dr. Daniel Balinas…”

Nagulat siya. “Duktor? Nanggagamot ba ‘yon?”

“Hindi nanggagamot, dating nagtuturo sa college.”

“A, me doctorate,” sabi niya.

“‘Yun na nga,” sabi ng babae. “Author din siya. Nagsusulat ng mga libro tungkol sa philosophy.”

Gulat na gulat siya. “Pa’no mo naman nalaman?”

“Sinabi sa akin ng driver ni Konsehal Tikboy,” sagot ng babae.

Si Konsehal Tikboy Ballerde ay nag-iistambay sa coffee shop.

Nagpatuloy ang babae, “Sabi sa akin ng driver ni Konsehal Tikboy e baka hindi ko kilala ang matandang lalaki. Sabi ko, hindi nga. Sinabi niya sa akin kung sino. Gulat na gulat ako. Hindi ko akalain dahil simpling-simple lang namang magdamit at kumilos si Dr. Daniel Balinas, di ba?”

Napatango siya. Kaya pala ganoon ang pakitungo ng gobernador at ng kilalang mayaman sa lungsod nila sa matandang lalaki, naisaloob niya.

Itinuloy uli ng babae ang ikinukuwento: “Hindi lang daw basta nagturo at nagsusulat si Dr. Balinas, napakahusay talaga. Pinag-aaralan daw ang mga libro niya. Hinahangaan.”

Hanga na nga rin siya sa matandang lalaki. “Lagi siya rito, ano?” banggit niya.

“Halos araw-araw, puwera lang Linggo, andito siya sa hapon. Nagsusulat o nagbabasa. Nagsusulat din daw siya sa bahay nila pag madaling-araw. Doon, puro sulat talaga. Dito, sinasamahan na rin niya ng pagbabasa at pagre-relax. Siya mismo ang nagsabi sa akin noong makausap ko siya minsan.”

Iyon pala ang dahilan kaya nag-iistambay sa coffee shop ang matandang lalaki, naisaloob niya.

Nagulat din siya. Ang akala niya sa mga manunulat ay nakapagsusulat lamang kapag nag-iisa at tahimik na tahimik, huni lamang ng mga ibon ang naririnig. Nakapagsusulat din pala ang mga ito kahit maraming tao at maingay, naisaloob niya.

“Alam ko na rin kung bakit simpling-simple lamang magdamit si Dr. Daniel Balinas,” sabi pa ng babae. “Sinabi rin sa akin ng driver ni Konsehal Tikboy.”

“Bakit daw?”

“Hindi pala siya sang-ayon na tinitingnan ang tao sa damit. Gusto niyang mabago iyon. Kaya hindi siya nakikisunod sa pagdadamit nang magara. Ayaw rin niya na mababa ang tingin sa mahihirap. Di ba, mumurahin lamang ang damit ng mahihirap? Para sa kaniya, pantay-pantay ang lahat ng tao, mayaman o mahirap. Maganda ang pakitungo niya sa lahat.”

Kaya pala maganda ang pakitungo ng matandang lalaki sa mga nagtatrabaho sa coffee shop, na naging dahilan naman kaya magiliw ang mga ito sa matandang lalaki, naisaloob niya.

Ang totoo, matagal na niyang narinig na hindi dapat tinitingnan ang kapuwa batay sa suot nitong damit. Pero iba ang nasasaksihan niya. Sa city hall lamang, nakikita niyang malimit na hindi pinapansin ang nagpupunta roong mga mamamayan na mumurahin ang suot na damit. Pero mula ngayon, tiyak niya, hindi na niya titingnan ang kapuwa batay sa suot na damit.

HINDI agad umuwi si Dante. Nag-istambay pa siya sa coffee shop.

Minamasdan ang mga taong naglalakad sa mall, naalala niya kung paano siya nagtitipid pati sa pagkain upang makabili ng bagong damit. Kung minsan, napagdadamutan pa niya ang mga magulang at mga kapatid, na ikinalulungkot niya pagkatapos. Sa bahay ng mga magulang siya nakatira. Binata siya.

Naisip niya ang mga kakilala at kaopisina na pilit nagdaramit nang magara at mababa ang tingin sa kapuwa na mumurahin ang suot na damit. Naalala niya ang ilang mamamayang mumurahin ang suot na damit na nakita niyang kimi sa pagpasok sa mga opisina sa city hall.

Naisip naman niya si Dr. Daniel Balinas. Isinusuot nito kung ano ang gusto nito. Hindi naman ito tinitingnan nang mababa ng mga nakakakilala rito. Kaya pala mumurahin ang suot nitong mga damit ay para sa pagkakapantay-pantay ng tingin sa lahat ng tao, mayaman at mahirap, naisaloob niya.

Gulat na gulat talaga siya.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Ang balak na pagpapakamatay ni Gudo

$
0
0
Maikling Kuwento ni Nestor S. Barco

Ang balak na pagpapakamatay ni Gudo

Ni Nestor S. Barco

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.

SA pakiramdam ni Gudo, bale-wala siya sa kaniyang mag-iina.

Tulad na lamang kanina. Naghahanap siya ng mainit na sabaw. Ala-una na ng hapon. Gutom na gutom siya dahil noon pa lamang siya manananghalian. Tinapos muna niya ang kinukumpuning makina ng sasakyan. May talyer siya sa harap ng bahay nila.

“Kung ano ang andyan, ‘yon ang kainin mo,” tugon ng misis niya.

“Matagal mo na namang alam na pag gutom ako, gusto kong mauna sa tiyan ko e mainit na sabaw,” sabi niya.

“E, wala nga! Pagtiyagaan mo na lamang kung ano ang andyan!” giit ng misis niya.

Upang huwag nang humaba pa ang usapan, tumahimik na lamang siya. Nagsandok siya ng sariling pagkain. Dinala ang mga iyon sa mesa. At kumain siyang mag-isa.

Kung sa pambili ng ulam, may pambili ang misis niya. Maayos ang kinikita ng kaniyang talyer. At iniaabot niya sa misis niya ang lahat ng kinikita nito.

Totoo, wala silang kasambahay. Pero nagpapalaba at nagpapaplantsa naman sila ng mga damit sa isang kamag-anak ng misis niya. Dalawang beses sa isang linggo kung magpunta ito sa bahay nila. Lunes upang maglaba at Martes o Miyerkoles upang mamalantsa, depende kung kailan nakatuyo ng mga nilabhang damit. Pagluluto at paglilinis ng bahay lamang ang inaasikaso ng misis niya. Hindi naman napakagulo ng bahay nila dahil nasa haiskul na ang dalawang anak nilang babae at nasa elementarya na ang nag-iisang lalaki. Hindi na maliliit na mga batang mahilig magkalat ang mga ito. Tumutulong pa ang dalawang anak niyang babae sa paglilinis ng bahay nila.

Siya naman ang naglilinis ng talyer palibhasa’y nangangamba siyang baka may mahalagang piyesa na maitapon kung iba ang maglilinis nito.

Kaya bukod sa may mailuluto, may panahon din ang misis niya para magluto.

Napakahilig ng misis niya na magpunta sa mall at kumain sa labas kasama ang mga anak nila, manood ng TV at mag-Internet. Hindi niya inaalis na maglibang ito. Kaya lang, nagkukulang na ito sa pag-aasikaso sa kaniya. Napakadalang na rin nilang magtalik. Pinipigilan na lamang niya ang sarili na pamukhaan ang misis niya na kung hindi sa pagmemekaniko niya ay hindi nito masusunod ang mga hilig nito pero pinababayaan pa siya nito.

Oo, natutuwa siya na binibigyan ng panahon ng mga anak niya ang pag-aaral. Pero pagkakatapos magbasa ng libro at maggawa ng assignment, computer naman ang hinaharap ng mga ito. Sumusunod naman ang mga ito kapag inuutusan niya pero hindi niya kakitaan ang mga ito na kusang gumawa ng mga bagay na ikatutuwa niya. Ni hindi nga naitatanong ng mga ito kung gutom o pagod siya. Walang alam ang mga ito sa nangyayari sa kaniya. Mas kabisado pa ng mga ito ang mga laro at kung anu-anong pinanonood sa computer. Mas iniintindi pa ng mga ito ang mga kaibigan bukod sa gumala na kasama ang ina nila gayong siya ang nagtatrabaho para matugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga ito.

Nagkaroon siya ng kaisipan na ang papel lamang niya sa kaniyang mag-iina ay tagakita ng pera.

Gayunman, hindi siya nagkukuwento kahit kanino – kahit sa mga magulang at kapatid niya. Ayaw niyang mapulaan ang mag-iina niya. Sinasarili na lamang niya ang sama ng loob.

Mahal na mahal niya ang kaniyang mag-iina. Lahat ay ginagawa at gagawin niya para sa mga ito. Kaya nga marahil iniinda niya nang husto ang ipinalalagay niyang pagbale-wala ng mga ito sa kaniya.

Lagi na lamang niyang iniisip ang kaniyang kalagayan. Hanggang sa maisaloob niyang malalaman na lamang siguro ng mag-iina niya ang halaga niya pag wala na siya. Hanggang sa pumasok na sa isip niya na mabuti pa nga sigurong magpakamatay na lamang siya.

Naipasya niyang bigyan ng kalahating taon ang mag-iina niya upang magbago ng pakitungo sa kaniya. Kung sakali, hindi na niya itutuloy ang pagpapakamatay.

UMASA si Gudo na magbabago ang pakitungo sa kaniya ng mag-iina niya.

Paminsan-minsan, pinararamdaman niya ang mga ito:

“Pag nawala ako, noon n’yo malalaman ang halaga ko!”

Hindi kumikibo ang mga ito. Hindi niya alam kung sadyang bale-wala ang kaniyang sinasabi o nagkukunwa lamang ang mga ito na bale-wala iyon.

Dumaan ang kalahating taon – naging pitong buwan pa nga dahil nagbigay pa siya ng palugit na isang buwan – pero mas iniintindi pa rin ng misis niya na magpunta sa mall at kumain sa labas kasama ang mga anak nila, manood ng TV at mag-Internet. Mas nakatutok pa rin ang atensiyon ng mga anak niya sa kompyuter, mga kaibigan at paggala kasama ang ina. Ang konsuwelo na lamang niya ay hindi pinababayaan ng mga ito ang pag-aaral.

Hindi naman sa lagi siyang naghahanap ng masasarap na pagkain. Kaya lang, lagi na lamang prito at pangat ang ipinakakain sa kaniya ng misis niya. Madalang na madalang siyang makatikim ng pesa, nilaga at sinigang. Hindi siya makabawi ng lakas sa hirap ng pagkukumpuni ng mga sasakyan.

Kaya naipasya niyang ituloy ang pagpapakamatay.

KUNG basta na lamang siya magbibigti, naisaloob niya, hindi rin malalaman ng kaniyang mag-iina ang dahilan ng kaniyang pagpapakamatay. Bale-wala rin ang pagpapakamatay niya. Baka nga kung anu-ano pa ang akalain ng mga ito na dahilan ng kaniyang pagpapakamatay, tulad ng nakadespalko siya ng malaking halaga o bigla na lamang siyang nasiraan ng bait.

Naisip niyang kailangan niyang gumawa ng suicide note. Ilalahad niya ang lahat ng hinanakit niya sa mga ito.

Nakinikinita na niya ang gimbal ng mga ito kapag natagpuan ang nakabitin niyang bangkay sa punong mangga sa likod-bahay nila.

Lalong magigimbal ang mga ito kapag nabasa ang kaniyang suicide note. Ilalagay niya ito sa kaniyang pitaka, kasama ng kinita ng talyer sa buong maghapon, kaya tiyak na makikita ng mga ito.

Mananangis ang mga ito. Maiisip ang mga pagkukulang sa kaniya. Magsisisi. At susumpang kung maibabalik lamang ang panahon, bibigyan-halaga na siya ng mga ito.

Malulungkot nang husto ang mga ito. Lagi siyang maaalala. Habambuhay, dadalhin ng mga ito ang guilt dahil sa kaniyang pagpapakamatay.

Bigla, naisip niyang napakabigat ng magiging pasanin sa dibdib ng kaniyang mag-iina.

Hindi, hindi niya maaatim na magdusa nang ganito kabigat ang mga ito!

Naisip din niya ang hirap na daranasin ng mga ito pag namatay siya. Totoo, makagagawa ng paraan ang mga ito upang mabuhay. Pero babayaan ba niyang maghirap pa ang mag-iina niya kung maiiwasan naman?

Baka nga may iba pang paraan, bukod sa pagpapakamatay, upang makita ng mag-iina niya ang halaga niya, naisaloob niya.

HINDI na niya itinuloy ang pagpapakamatay.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Franchise

$
0
0
Maikling Kuwento ni Nestor S. Barco

Franchise

Ni Nestor S. Barco

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.

DUMALAW kay Marlon ang pinsang buo niyang babae nang lumabas siya ng ospital. Na-confine siya dahil sa food poisoning makaraang dumalo sa isang birthday party. Kahit isang kilometro lamang ang layo ng kanilang mga bahay, madalang silang magkita palibhasa’y abala sa paghahanapbuhay ang bawat isa. Gayunman, nagkakabalitaan naman silang magkakamag-anak pag may malalaking nangyari sa isa sa kanila, halimbawa’y naospital na tulad niya. Sa pagkakatanda niya, pangwalo na ang pinsang buo niyang babae sa mga kamag-anak na dumalaw sa kanya mula nang lumabas siya ng ospital.

Kasama ng pinsang buo niya ang nag-iisang anak nito, na babae at nag-aaral sa kolehiyo. May dala pang mga prutas ang mag-ina: ubas, mansanas at orange. Parang naawa naman siya sa pinsang buo niya dahil bahagi na ng kabuhayan ng mga ito ang ibinigay sa kanya. Nagtitinda ng mga prutas ang pinsang buo niya. Iyon ang hanapbuhay nito. Iyon ang tanging inaasahan ng mag-ina. Hiwalay sa asawa ang pinsang buo niya. Mas eksaktong sabihin na iniwan ito ng asawa na may ibang pamilya na ngayon.

“Nag-abala pa kayo. Salamat,” nasabi na lamang ni Marlon. Ayaw naman niyang isipin ng pinsang buo niya na hindi niya nagustuhan ang pagdadala nito sa kanya ng mga prutas.

“Okey lang iyon,” tugon ng pinsang buo niya, na umupo sa gawing kaliwa niya sa L-shape sofa set nila. Tinabihan ito ng anak na umupo sa kaliwa nito. Umupo naman ang misis niya sa kanan niya. Pumasok naman ng kanya-kanyang kuwarto ang dalawang anak nila matapos batiin ang mga dumating.

Makaraang kumustahin nila ang isa’t isa, binanggit ng pinsang buo niya: “Pinakukumusta ka nga pala sa akin ni Violy.”

Si Violy ay pinsang buo rin nila. Kasing-edad nila ito. May karinderya ito sa harap ng pabrika na pinagtitindahan ng pinsang buo niya ng mga prutas.

“Mabuti na ‘kamo,” tugon niya. “Kumusta naman si Violy?”

“Abalang-abala sa karinderya niya. Laging maraming kumakain.”

“Masarap talagang negosyo ang pagkain, ano? Kahit mahirap ang buhay, tiyak na kakain ang mga tao,” sabi niya. “Kaya lang, dapat tiyaking ligtas para walang naoospital na tulad ko.” Napatawa siya.

Napatawa rin ang mga kaharap niya sa biro niya.

“Napapansin ko ring malakas ang mga kapehan,” sabi ng pinsang buo niya.

“Istambayan na rin ang coffee shop,” paliwanag niya. “Merong doon ginagawa ang business deal. Merong doon kinakatagpo ang mga kaibigan. Meron pa ngang doon nagre-review para sa board exam.” Idinagdag pa niya: “Ako nga rin, pag malakas na malakas na ako, pupunta uli ako sa coffee shop. Magre-relax ako nang husto.”

Biglang sumingit ang anak ng pinsang buo niya:

“Ma, magnegosyo ka na rin ng coffee shop. Me coffee company na nagbibigay ng franchise.”

Hindi agad nakasagot ang pinsang buo niya. Malamang na alam din nito kung gaano kalaki ang kailangang puhunan doon.

Iniwasan niyang tumingin sa pinsang buo niya. Baka mapahiya ito dahil sa sinasabi ng anak nito. Nagpasalamat siya na hindi sila magkaharap ng misis niya. Kung magkakatinginan sila, baka hindi nito mapigilang mapahagalpak ng tawa.

Nabasa niya sa Web na dalawang milyong piso ang pinakamaliit na franchise investment. Hindi pa masyadong kilalang coffee company iyon. Mula dalawa’t kalahating milyon hanggang pitong milyong piso naman ang investment sa isang kilalang coffee company sa Pilipinas.

Pagkuwan, narinig niyang sinabi ng pinsang buo niya:

“Kumikita ba talaga ang coffee shop?”

“Sigurado, Ma. Me coffee shop malapit sa school namin. Laging maraming tao. Kaya magnegosyo ka na rin niyon,” giit ng anak nito.

“Sige,” sagot ng pinsang buo niya.

“Yehey!” sigaw ng anak nito. Tuwang-tuwa ito, na para bang tuloy na tuloy na ang pagnenegosyo ng mga ito ng coffee shop.

Pinilit ni Marlon na kumilos at makipag-usap sa pinsang buo niya na parang wala siyang narinig na pinag-usapan ang mag-ina tungkol sa franchise ng coffee shop.

“Buti, hindi ka natawa kanina,” sabi ng misis niya, na humagalpak ng tawa nang makaalis na ang mag-ina.

“Ikaw nga ang iniisip ko na baka matawa, e.”

“Pigil na pigil ko talaga ang sarili ko sa pagtawa kanina,” sabi ng misis niya, na napatawa uli. Idinagdag nito: “Kung iba ang makakarinig sa kanila, sasabihing nangangarap sila nang gising.”

“Oo nga e,” sang-ayon niya, hindi tumatawa. Naaawa siya sa pinsang buo niya.

Maliit pa lamang ang anak ng pinsang buo niya nang iwan ng mister nito silang mag-ina.

Nagbibigay naman ang mister nito ng pera para sa anak nila pero maliit lamang. Bakit nga, karaniwang empleado lamang ito. May ibang pamilya na rin itong binubuhay. ‘Buti, naiwanan sila nito ng kahit maliit na house and lot sa subdibisyon kahit pa ang pinsang buo niya ang nagtutuloy ng hulog.

Kahit iniwan ng asawa, pinilit ng pinsang buo niya na buhayin nang maayos ang anak. Husto sa pagkain. Ibinibili ng maayos na damit at laruan. Ipinapasyal. Nang lumaki na ay ipinasok sa maayos na paaralan.

Namuhay ang mag-ina na tulad ng pamilyang hindi iniwan ng padre de pamilya. Dumadalo ang dalawa sa mga okasyon, tulad ng birthday, binyagan, reunion at wedding anniversary. Sinasamahan din nito ang anak sa mga gawain sa paaralan.

Hindi niya alam kung may nanligaw sa pinsang buo niya mula nang maging hiwalay ito sa asawa. Wala siyang nabalitaan na naging karelasyon ito.

Hindi man sabihin, tiyak na nararamdaman ng pinsang buo niya ang hirap sa pagtataguyod ng buhay nilang mag-ina. Malamang ding nararamdaman na rin ng anak nito ang hirap ng ina dahil malaki na naman ito.

Bigla, nalaman niya kung bakit nangangarap nang ganoon ang mag-ina.

PAGKARAAN ng kalahating taon, nagkita uli sila ng mag-ina. Sa mall. Tulad ng inaasahan niya, wala pa ring franchise ng coffee shop ang mga ito. Nagtitinda pa rin ang pinsang buo niya ng mga prutas sa harap ng pabrika.

Nakangiti agad ang mag-ina pagkakita sa kanya.

“Kumusta na?” tanong ng pinsang buo niya.

“Okey naman,” tugon niya. “O, bakit kayo andito?”

“Me bibilin si Nancy na kailangan sa school,” sagot ng pinsang buo niya.

Nginitian niya ang anak nito. “Anong year ka na nga pala?”

“Fourth year na po,” sagot nito.

“Sa March, ga-graduate na ‘yan,” sabi ng pinsang buo niya.

“Oo nga pala. Mas matanda nga pala siya ng dalawang taon sa panganay ko na nasa second year sa college ngayon,” sabi niya, ngiting-ngiti.

“Me bibilhin ka rin ba?” tanong ng pinsang buo niya.

“Namamasyal lang,” sagot niya. Naidugtong niya nang hindi nag-iisip: “Magkakape rin ako.”

“Sige, lalakad na kami,” sabi ng pinsang buo niya.

“Sige,” tugon niya.

Nagpasalamat siya na parang hindi na naalala ng mag-ina ang pinag-usapan tungkol sa franchise ng coffee shop. Baka mapahiya ang mga ito dahil hindi iyon natuloy. Pero naisip din niya, baka may iba nang pinapangarap ang mga ito, na inaasahan ng mga ito na magpapaganda sa takbo ng buhay nila, lalo’t magtatapos na ng kolehiyo si Nancy.

Natitiyak niya: mapagtatapos ng pinsang buo niya ng pag-aaral ang anak nito.

Natitiyak niya: maipagpapatuloy ng mag-ina ang buhay.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Susi

$
0
0
Maikling Kuwento ni Nestor S. Barco

Susi

Ni Nestor S. Barco

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.

PAGLABAS ng kapilya, nagbiyahe na sila papuntang Tagaytay.

“Matagal na rin tayong hindi nakakapunta ng Tagaytay, ano?” sabi ng mister niya, na nagmamaneho ng kotse nila.

“May isang buwan na,” sabi niya.

“Sabik na sabik na po uli ako sa Tagaytay,” sabi ng kaisa-isa nilang anak, lalaki, na sa likuran nakaupo.

Biyernes pa lamang ng gabi, usapan na nila na pupunta sila ng Tagaytay pagkatapos magsimba. Kahit lagi silang namamasyal ng Tagaytay, lagi pa rin silang sabik na magpunta sa Tagaytay.

Ala una y medya ng hapon nang dumating sila sa Tagaytay. Pumasok sila sa isang fast food restaurant upang mananghalian.

Bilad sa araw ang natagpuan nilang espasyo sa parking area. Maraming nakaparadang sasakyan. Pero pumarada na rin sila. Gutom na sila. Naiihi na rin sila. Pagpasok nila ng fast food restaurant, gumamit sila ng CR.

Pagkatapos nilang kumain, sinabi ng mister niya:

“Palalamigin ko muna ang kotse.”

At lumabas ito.

Kahit malamig ang klima sa Tagaytay, mainit pa rin sa loob ng kotse pag nabilad ito sa araw.

Pero dalawampung minuto na ang lumipas, hindi pa rin bumabalik ang mister niya.

“Antagal naman ni Daddy,” sabi ng anak nila.

“Dito ka lang, titingnan ko ang Daddy mo,” sabi niya.

“Opo.”

Pagpunta niya sa parking area, nakita niyang nakasindi ang hazard lights ng kotse nila. Paglapit niya, narinig niyang umaandar ang makina nito. Nang silipin niya ang loob, wala roon ang mister niya!

Luminga-linga siya. Wala ang mister niya!

Sinubukan niyang buksan ang mga pinto. Naka-lock lahat!

Nagtanong siya sa security guard ng fast food restaurant.

“Wala ka bang napansing lalaki na nagpunta sa kotseng ‘yon?”

“Ma’am, nagpunta po sa magsususi,” sagot ng security guard. “Naiwan n’ya po sa loob ng kotse ang susi.”

“Ano!” naibulalas niya. Pagkuwa’y itinanong niya: “Me magsususi ba kahit Linggo?”

“Mayroon po, ma’am. Itinuro ko na po sa mister n’yo kung saan.”

“Malayo ba ‘yon?”

“Ma’am, walking distance lang po.”

“Sige, salamat,” sabi niya sa security guard.

Bumalik siya sa loob ng fast food restaurant.

“Asan po si Daddy?” tanong ng anak niya.

“Naghahanap ng magsususi.”

“Bakit po?”

“Naiwan ang susi sa loob ng kotse. Naka-lock ang mga pinto.”

“Aaa…”

Ano ba naman ang mister niya, naisaloob niya, napakagalgal! Hindi muna nito tiniyak na hawak ang susi ng kotse bago ini-lock ang mga pinto. Hindi ngayon lamang nakagawa ng kapalpakan ang mister niya. Minsan, isang kilometro na ang natatakbo ng kotse nila saka nito nalamang naiwan ang pitaka nito na kinalalagyan ng lisensiya. Bumalik sila ng bahay upang kunin lamang ito. Nakabibili ito ng depektibong piyesa na hindi na nito mapapalitan sa binilhan dahil naiwala na ang resibo.

Lumipas pa ang labinlimang minuto, wala pa rin ang mister niya.

Naroon nga kaya ang magsususi? Alam kaya talaga ng mister niya kung nasaan ang puwesto nito?

Naiisip din niya ang kaligtasan ng mister niya. Baka dahil sa nangyari ay malimutan na nitong mag-ingat sa pagtawid-tawid sa lansangan. Huwag naman sana! naisaloob niya.

Patuloy silang naghintay na mag-ina sa pagbalik ng mister niya. Kalahating oras pa ang lumipas pero wala pa rin ni anino nito. Kung walking distance lamang ang puwesto ng magsususi, dapat na nakabalik na ito, naisaloob niya. Hindi kaya wala roon ang magsususi at pilit na naghahanap ng ibang magsususi ang mister niya? Hindi kaya mag-overheat ang kotse nila na patuloy na umaandar ang makina? Kung walang makitang magsususi, ang huling remedyo ba ay basagin ang bintana ng kotse?

Mayamaya, biglang sinabi ng anak niya: “Ayun po si Daddy!”

Nang tingnan niya, mister nga niya ang dumating. Nagmamadali ito ng lakad, kasunod ang isang lalaki. Malamang na magsususi na iyon, naisaloob niya.

“Mommy, titingnan ko po si Daddy!”

“Sige.”

Nanatili siya sa loob ng fast food restaurant, na kumportable. Wala rin naman siyang maitutulong doon.

Pagkalipas ng sampu pang minuto, pumasok ang mister niya, kasunod ang anak nila. Nakangiti na ito, tandang tapos na ang problema. Pero halatang pagod ito at naroon din ang lungkot dahil sa nangyari.

Kinakausap niya ang mister niya na parang walang nangyari habang nagbibiyahe na sila papuntang Picnic Grove. Unang-una, hindi siya puwedeng magtaras dahil kaharap nila ang anak nila. Saka kagagaling lamang nila sa pagsisimba upang magtaras na agad siya. Naisip din niyang kung sisisihin niya ang mister niya, baka maaburido ito at hindi pa maging maayos ang pagmamaneho. Mahirap nang maaksidente pa sila.

“Hindi ka ba galit sa nangyari?” tanong ng mister niya nang nasa Picnic Grove na sila. Hindi na nila kaharap ang anak nila. Sumakay na ito ng kabayo.

“Hindi mo naman sinadya iyon. Naayos na naman,” sagot niya. Pagkasabi niyon, naglaho na ang lahat ng inis niya.

Hindi naman puro kapalpakan ang nagagawa ng mister niya. Marami rin naman itong nagagawang maayos. Pero kung minsan, pag may ganitong pangyayari, lalo’t antimano’y mainit ang ulo niya, nagbubukas ito upang ilahad niya ang lahat ng puna niya sa mister niya. Sa tingin niya, ganito rin kung minsan ang ginagawa ng mister niya pag may nagagawa siyang palpak. Nagtatalo sila. Ilang araw na hindi sila nagpapansinan pagkatapos.

Mas mabuti na nga sigurong unawain niya ang mister niya, naisaloob niya. Tutal, sa tingin niya, mag-iingat na ito sa susunod.

“Pa’no nga pala ang nangyari?” tanong niya sa mister niya.

“Pinaandar ko ang kotse para buksan ang aircon. Naiwan siyempreng nakasalpak ang susi. Dinampot ko ang duplicate para i-lock ang kotse dahil babalikan ko kayo. Nang mai-lock ko na, saka ko nakitang ibang susi pala ang nadampot ko. ‘Yung mga susi sa bahay natin. Naiwan sa loob ng kotse ang duplicate.”

“E, bakit antagal mo bago nakabalik?”

“Tinapos muna ng magsususi ang mga ginagawa bago sumama sa akin.”

“Kaya pala.”

“Ang mahal nga ng siningil sa akin, e”

“Magkano?”

“Six hundred pesos.”

“Hayaan mo na. Kagipitan, e.”

Kahit nagkaroon ng kaunting aberya, tulad ng dati’y masaya ang pamamasyal nila sa Tagaytay. Nang makauwi na sila, pinag-usapan nila kung kailan sila babalik.

LUMIPAS ang dalawang linggo nang walang nagagawang kapalpakan ang mister niya. Malamang na nag-ingat na ito.

Siya ang pumalpak. Nagmamadali siya sa mall dahil may mga kailangan siyang bilhin at kailangan din niyang umuwi agad dahil magluluto pa siya nang makita niya na may naka-bargain sale na mga shorts. Naengganyo siyang tumingin. Nakakita siya ng denim shorts na kursunada niya. Nang makita niya na sukat ng baywang niya ang size nito, binili na niya. Hindi na niya ito isinukat dahil nagmamadali nga siya. Pinalabhan at pinaplantsa na niya ito sa kamag-anak na nagpupunta sa kanila upang maglaba at mamalantsa ng mga damit nila dahil ayaw niyang magsuot ng damit na hindi pa nalalabhan. Pero nang isuot na niya, masikip pala ito. Hindi na talaga niya ito puwedeng papalitan dahil tinanggal na niya ang tag nito nang palabhan niya, nalabhan na nga ito, naplantsa pa at hindi na rin niya matandaan kung saan niya nailagay ang resibo. Wala namang sinabi ang mister niya. Kung sinisi siya nito, malamang na nagkainisan na naman sila. Ilang araw na naman silang hindi magpapansinan kahit pareho silang nahihirapan. Masarap talaga pag nag-uunawaan ang mag-asawa, naisaloob niya.

Gayunman, ayaw niyang maulit ang kaniyang kapalpakan.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Ang mga punong atis

$
0
0
Maikling Kuwento ni Nestor S. Barco

Ang mga punong atis

Ni Nestor S. Barco

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.

NASA kabilang looban ang mga punong atis.

Hindi siya ang nagtanim ng apat na punong atis na iyon. Wala siyang anumang hirap sa pagtubo at paglago ng mga iyon.

Gayunman, malaking kasiyahan ang dulot sa kaniya ng mga iyon.

Sa bukas na bintana ng silid nilang mag-asawa, nakikita niya ang makakapal na dahon, malalagong sanga at nagbiting mga bunga ng nasabing mga punongkahoy. Naririnig niya ang huni ng mga ibon na dumarapo sa mga sanga at ang lagaslas ng mga dahon kapag hinihipan ng hangin. Nalalanghap niya ang sariwang hangin na dulot ng mga punongkahoy, na mabuti na sa katawan ay masarap pa sa pakiramdam.

Paggigising niya sa umaga, minamasdan niya ang mga punong atis. Malaki ang naitutulong ng mga iyon upang makatulog siya nang mahimbing. Malinis ang hangin na pumapasok sa silid nilang mag-asawa dahil sinasala ng mga dahon ang usok at alikabok. Maaliwalas sa kanilang silid dahil nasasanggahan ng mga dahon ang init ng araw. Kapag natutulog silang mag-asawa, nilalagyan nila ng awang ang mga bintana upang pumasok ang sariwang hangin. Sa opisina, hangin mula sa aircon ang nalalanghap sa buong maghapon.

Palibhasa’y kinakapos siya ng oras upang mag-jogging o maglaro ng badminton dahil nagmamadali siya sa umaga upang pumasok sa opisina at gabi na siya kung makauwi, nag-eehersisyo siya sa silid nilang mag-asawa tuwing may pagkakataon siya. Tamang-tama na nasa tapat ng bukas nilang bintana ang mga punong atis na nagkakaloob ng sariwang hangin. Tuwing may pagkakataon, lalo’t nag-eehersisyo siya, humihinga siya nang malalim upang punuin ng sariwang hangin ang kaniyang dibdib. Malaking bagay na nakapag-eehersisyo siya sa bahay. Maghapon siyang nakaupo sa opisina.

Bago umalis upang pumasok sa trabaho, sinusulyapan niya ang mga punong atis. Pag-uuwi niya, tinitingnan agad niya ang mga iyon. Wiling-wili siya na masdan ang mga punong atis.

Nakikita ng misis niya na malimit niyang masdan ang mga punong atis.

“Tuwang-tuwa ka sa mga puno ng kapitbahay natin, ano?” sabi ng misis niya.

“Oo,” sang-ayon niya.

Pero nang malaon, nagdulot sa kaniya ng alalahanin ang pagkalugod niya sa mga punong atis na iyon.

Paano kung maputol ang mga punong atis?

Mawawala na ang sariwang hangin na pumapasok sa silid nilang mag-asawa. Mawawala na ang mga dahon na sumasala sa usok at alikabok. Wala nang haharang sa init ng araw. Magiging maalinsangan na sa kanilang silid. Hindi na ganoon kasarap tumigil sa silid nila. Malamang na hindi na magiging ganoon kasarap ang kaniyang pagtulog. Mababawasan ang buting dulot sa kaniyang katawan ng pag-eehersisyo niya sa silid nilang mag-asawa dahil mawawala na ang pinanggagalingan ng sariwang hangin. Mawawala na ang pinagkakawilihan niyang masdan. Bale ba, kapag pagod siya sa mga gawain sa opisina o malungkot siya, nawawala ang pagod o lungkot niya masdan lamang niya ang mga punong atis.

Sa tingin niya, hindi maibubuwal ng malakas na bagyo ang mga punong atis. Sa katunayan, ilang bagyo na ang nalampasan ng mga iyon. Nananatiling nakatayo ang mga punong atis. Bata pa naman ang mga iyon. Kaya malulusog pa ang mga ugat, katawan at sanga.

Sa tingin din niya, hindi ipapuputol ng kapitbahay niya ang mga punong atis na iyon. Una, nakapipitas ang pamilya nito ng mga bunga. Ikalawa, tuwing araw ng Linggo, nagkakainan malapit sa mga punong atis ang pamilya ng kapitbahay niya. Tiyak na nagugustuhan ng pamilya nito ang aliwalas na dulot ng mga punongkahoy kaya sa tabi ng mga iyon pumupuwesto ng kainan. Malamang na nasisiyahan din ang mga ito na masdan ang nasabing mga punongkahoy na dinadapuan ng mga ibon.

Gayunman, kahit walang nakikitang banta, naroon pa rin ang pangamba niya na baka maputol ang mga punong atis.

Malay niya, baka maisipan ng kapitbahay niya na may ipatayo sa looban nito at ipaputol nito ang mga punong atis.

Puwede ring ibenta ng kapitbahay niya ang bahay at lupa. At ipaputol ng makakabili ang mga punong atis.

Sa pagkakaalam niya, maayos ang buhay ng kapitbahay niya. Hindi naman siguro ito mangangailangan ng malaking halaga upang ibenta ang bahay at lupa. Hindi rin naman siguro nakasanla ang lupa nito na bigla na lamang iilitin ng banko. Sabagay, malay nga ba niya sa mga nangyayari sa buhay ng kaniyang kapitbahay. Puwedeng may malaki pala itong utang. Puwede ring sa anumang dahilan ay bigla itong mangailangan ng malaking halaga. O maisipan nitong dalhin ang buong pamilya nito sa ibang bansa at doon na pirmihang manirahan. Ibebenta na nga nito ang bahay at lupa. Sabagay, hindi naman awtomatikong ipapuputol ng makakabili ang mga punong atis kung sakaling ibenta ang bahay at lupa. Gayunman, puwede pa ring mangyari.

Ang isang puwede niyang gawin ay bilhin ang bahay at lupa ng kaniyang kapitbahay. Pero kahit pa ipinagbibili iyon, sa ngayon ay wala siyang perang pambili. Malawak ang lote ng kapitbahay niya na nasa kahabaan ng barangay road at kahanggan ng tinitirhan niyang subdibisyon. Malaki ang halaga niyon.

Wala namang espasyo sa kanilang house and lot upang magtanim siya ng sariling mga punongkahoy. Sakop na ng bahay at garahe nila ang wawalumpung metro kuwadradong lote nila. Ang tanging tanim nila ay mga halaman sa planter box sa pader nila.

Habang lalo niyang kinagigiliwan ang mga punong atis, lalo siyang nangagamba na baka maputol ang mga iyon. Lalo niyang nakikita ang kahalagahan sa kaniya ng nasabing mga punongkahoy.

Lalong lumimit at humaba niyang masdan ang mga punong atis. Lalo niyang pinakikinggan ang huni ng mga ibon na dumarapo sa mga sanga at ang lagaslas ng mga dahon kapag hinihipan ng hangin. Lalo niyang nilalanghap ang sariwang hangin na dulot ng nasabing mga punongkahoy.

Kapag matutulog na siya, lalo niyang nilalanghap ang malinis na hanging pumapasok sa silid nilang mag-asawa at dinarama ang aliwalas ng kanilang silid na nagpapasarap sa kaniyang pagtulog kaya maganda ang pakiramdam niya paggigising sa umaga.

Lalong hindi niya kinalilimutan ang pag-eehersisyo habang nakatayo pa ang mga punong atis na pinanggagalingan ng sariwang hangin. Tuwing may pagkakataon, lalo’t nag-eehersisyo siya, humihinga siya nang malalim upang punuin ng sariwang hangin ang kaniyang dibdib.

Nakikita ng misis niya na lalong malimit at mahaba kung masdan niya ang mga punong atis: sa umaga paggigising niya, bago siya umalis papasok sa trabaho, pag-uuwi niya, bago siya matulog at tuwing may pagkakataon siya.

“Tuwang-tuwa ka talaga sa mga puno ng kapitbahay natin, ano?” sabi ng misis niya.

“Oo nga, e,” tugon niya.

HANGGANG sa kasalukuyan, nakatayo pa rin naman ang mga punong atis.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.


50 basted

$
0
0
Maikling Kuwento ni Nestor S. Barco

50 basted

Ni Nestor S. Barco

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.

NAKALIMAMPUNG basted na si Enzo. Hindi naman nangangahulugang limampung babae na rin ang niligawan niya. Hindi naman siya ligaw nang ligaw kahit kanino. Bawat ligawan niya, iniisip niyang pakakasalan niya kung sasagutin siya. Hindi rin siya nanliligaw nang sabay-sabay. Kapag may nililigawan na siya, hindi na siya tumitingin pa sa ibang babae.

Kung bakit nakalimampung basted na siya gayong beinte dos anyos pa lamang siya ay ganito ang nangyari:

Nakalabindalawang basted siya sa una niyang niligawan, na kaklase niya sa ikatlong taon sa haiskul. Kahit panay na ang simangot nito noon pa mang una pa lamang niyang nilalapitan, itinuloy pa rin niya ang panliligaw. Sa una pa lamang niyang pagtatapat, sinabihan na siya nito na sa iba na lamang manligaw dahil wala siyang aasahan. Nag-aaksaya lamang siya ng panahon. Gayunman, ayaw niyang sumuko. Sa isip niya, baka makuha sa tiyaga. Kada basted, ligaw uli siya, hanggang sa hindi na talaga niya ito maligawan dahil lumalayo na ito palapit pa lamang siya.

Nakasiyam na basted naman siya sa ikalawa niyang niligawan, na kaklase niya sa ikaapat na taon sa haiskul. Tulad sa nauna, ligaw pa rin siya nang ligaw kahit panay ang basted niya, hanggang sa hindi na talaga siya makapanligaw dahil ayaw na siyang pakiharapan nito.

Nakapitong basted siya sa ikatlo niyang niligawan, na kaklase naman niya sa kolehiyo.

Nakawalong basted siya sa ikaapat niyang niligawan, nakapito sa ikalima at nakapito uli sa ikaanim, na lahat ay tagaroon sa kanila. Sa mga panahong iyon, pumapanhik na siya ng ligaw sa bahay. Nakapagtapos na siya ng kolehiyo nang ligawan niya ang ikaanim.

Sa ganitong pagkukuwenta kaya nasabing nakalimampung basted na siya.

Bago pa niya lasapin ang ikalimampu’t isang basted, naipasya niyang bumago muna ng lugar.

“Mommy, doon po muna ako titira kina Ate Liza,” paalam niya sa ina niya.

“Sabagay, buti na nga rin sigurong me kasamang lalaki ang Ate Liza mo,” sabi ng ina niya. “Kelan mo ba gustong pumunta roon?”

“Kahit bukas na rin po,” sagot niya. Ihahanda pa niya ang mga damit at iba pang gamit.

“Sige,” sabi ng ina niya, “tatawagan ko ang Ate Liza mo.”

Nakababatang kapatid ito ng ina niya. Ang mister nito ay isang Filipino seaman*. Dalawa ang anak nito, na mga bata pa, isang lalaki at isang babae. Ang kasama lamang ng mga ito sa bahay sa isang subdibisyon sa City of Bacoor ay kasambahay, na babae rin. Nakatira sila ay sa City of Imus.

“Nakausap ko na ang Ate Liza mo. Ihahanda na raw ang kuwarto mo. Tuwang-tuwa nga na doon ka titira. Me makakasama na silang lalaki,” sabi ng ina matapos tumawag sa landline phone.

SINABI niya sa sarili na iiwasan muna niya na muling manligaw.

Pero isang araw, dumating sa bahay ang Ate Liza niya na may kasamang babae, na sa tantiya niya ay sing-edad niya. Hangang-hanga siya pagkakita pa lamang niya. Gustung-gusto niya ang ngiti nito, na napakatamis.

“Pamangkin ko,” narinig niyang pakilala sa kaniya ng Ate Liza niya nang mapatingin ito sa kaniya.

Nginitian siya nito. Ngumiti rin siya, masasal na masasal ang kaba ng dibdib.

Hindi siya nagtatanong sa kaniyang tita tungkol sa babae. Ayaw niyang malaman nito, o kahit sino, na hangang-hanga siya sa babae. Sariwang-sariwa pa sa isip niya ang limampung basted na dinanas niya.

Nakikinig lamang siya sa pag-uusap ng Ate Liza niya at ng mga pinsan niya. Ewan niya kung nahahalata siya ng tita niya, ito na ang kusang naglahad ng mga impormasyon tungkol sa babae. Evelyn ang pangalan nito. Evie ang palayaw. Kasing-edad nga niya ito. Panganay ito sa apat na magkakapatid. Nakapagtapos na ito ng kolehiyo. Nagtatrabaho na. Dating nangungupahan sa Pasay City ang pamilya. Pero nakakuha ng hulugang unit ang mga magulang nito, na parehong nagtatrabaho sa Makati City, sa subdibisyon na iyon. Kaibigang-kaibigan ng tita niya ang ina nito.

“Hangang-hanga ako riyan ke Evie. Maganda, matalino at mabait. Tumutulong pa sa pamilya,” sabi pa ng Ate Liza niya. “Ewan ko kung me boyfriend siya dati pero sigurado akong wala siyang boyfriend ngayon.”

Sa tono ng pagsasalita ng tita niya, boto ito kay Evie na ligawan niya. Pero hindi siya kumibo. Naalala niya ang sakit ng limampung basted na dinanas niya.

Pero talo ng pag-ibig ang takot. Humanda siya anuman ang maging resulta. Niligawan niya si Evie.

Sa halip na ikalimampu’t isang basted ang inabot niya, sinagot siya nito.

“Salamat. Salamat,” sabi niya, hindi halos makapaniwala na may girlfriend na siya. At tulad pa ni Evie ang naging girlfriend niya. “Ipinangangako ko sa iyo, hindi ka magsisisi.”

Lalong naging napakatamis sa paningin niya ng ngiti ni Evie. “Pangako mo ‘yan, ha?” sabi nito.

“Oo,” tugon niya.

Tinanong siya ng Ate Liza niya kung bakit napakasaya niya pag-uwi niya galing sa bahay nina Evie. Tuwang-tuwa ito nang ipagtapat niyang sinagot na siya ni Evie.

Napakasigla niya. Napakaganda ang tingin niya sa paligid. Ginanahan siyang mag-ayos ng sarili. Sinipag din siyang maghanap ng trabaho.

Nakakuha siya ng magandang trabaho.

“Hindi naman kita pinilipilit na maghanap ng trabaho, e,” sabi ni Evie.

“Alam ko,” tugon niya. “Pero mabuti na rin ‘yong me trabaho ako para maaga kong mapaghandaan ang kinabukasan natin.”

“Naku, hindi pa puwede!” bulalas ng girlfriend. “Tutulong pa muna ako sa pag-aaral ng mga kapatid ko.”

“Maghihintay naman ako,” sabi niya.

NAISIPAN ni Enzo na umuwi sa kanila. Lagi naman niyang nakakausap ang mga magulang at dalawang kapatid sa pamamagitan ng Skype at landline phone. Alam na nga ng mga ito ang tungkol kay Evie at alam na ring may trabaho na siya. Gayunman, sabik siyang makaharap ang mga ito. Siya ang panggitna sa kanilang tatlong magkakapatid.

May girlfriend at may magandang trabaho, malakas na ang loob niyang umuwi kahit masasakit ang karanasan niya sa lugar nila.

Umuwi siya sa kanila Linggo ng tanghali pagkatapos niyang magsimba. Napagkasunduan nila ni Evie na saka na ito sasama sa bahay nila upang makilala ng mga magulang niya at mga kapatid.

Wala siyang nadamang anumang sakit nang tumuntong uli sa lugar nila.

Napuna niyang nag-iba ang tingin sa kaniya ng mga tagaroon sa kanila. Hindi niya alam kung nabalitaan na ng mga ito na may girlfriend na siya at magandang trabaho.

“Kuya, maraming gulat na gulat sa iyo,” sabi ng kapatid niyang babae kinagabihan nang pabalik na siya sa bahay ng tita niya. “Napakalaki raw ng improvement mo.”

“Ha? Hindi ko alam ‘yun,” tugon niya.

“Napakalaki talaga. Ako rin, nakikita ko,” sabi ng kapatid na babae.

Nang minsang umuwi uli siya, may sinabi na naman sa kaniya ang kapatid na babae:

“Kuya, panay ang tanong tungkol sa iyo ni Menchu.” Si Menchu ay tagaroon sa kanila na huli niyang niligawan bago siya nanligaw kay Evie.

Hindi siya kumibo.

“Tingin ko, may gusto na siya sa iyo,” idinugtong ng kapatid.

“Baka naman wala,” sabi niya.

“Mayroon talaga. Sigurado ako,” giit ng kapatid. “Gustung-gusto ka na niya.”

Noong nililigawan pa niya si Menchu, wala na yata siyang mahihiling pa sa buhay kung sasagutin siya nito.

Napaluha siya.

NAPALUHA siya dahil naaawa siya kay Menchu. Alam niya kung gaano kasakit ang mabigo. Mabibigo si Menchu. Mahal na mahal niya ang kaniyang girlfriend. Wala na siyang nadaramang anuman para kay Menchu.

Lalo niyang naisip kung gaano siya kapalad. Lalo niyang sisikaping maging matagumpay ang pagmamahalan nila ni Evie, sinabi niya sa sarili.

Idinagdag niyang sana’y matagpuan din ni Menchu ang kaligayahan.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

*sea-based migrant Filipino worker

Ang panahon ng kaniyang buhay

$
0
0

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoAng panahon ng kaniyang buhay

Ni Nestor S. Barco

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.

BAKIT nga ba hindi niya nakita agad iyon?

Ito ang naitatanong ni Rico sa kaniyang sarili habang binabalikan niya ang nakaraan.

Kaarawan niya ngayon. Sinusuri niya kung paano niya ginugugol ang kaniyang buhay dahil gusto niyang makita kung paano niya matatagpuan ang tinatawag na panahon ng kaniyang buhay. Kuwarenta anyos na siya. Gusto na niya itong maranasan.

Sinimulan niya noong bata pa siya. Ang natatandaan niya ay laruan, paglalaro, pamamasyal, pagkain at pag-aaral. Tuwang-tuwa siya kapag may bagong laruan. Ang mga kalaro niya ay mga batang kapitbahay nila. Ang mga laro nila ay tagu-taguan, tumbang preso, taya-tayaan at patintero. Sayang-saya siya sa paglalaro. Sayang-saya rin siya kapag namamasyal silang mag-anak. Gustung-gusto niya ang masasarap na pagkain. Ayaw na ayaw naman niya ang pag-aaral. Nalulungkot siya kapag Linggo ng hapon dahil Lunes kinabukasan. Natutuwa pa nga siya kapag bumabagyo dahil walang klase. Ngayon, nakikita niyang maaaring nakatatamad ang mag-aral noong edad niyang iyon pero sa pangkalahatan, masaya ang buhay ng bata. Ito ang angkop na angkop na panahon para sa saya at paglalaro. Hindi naman malungkot ang kaniyang pagiging bata, masasabing masaya pa nga. Gayunman, kung ibabalik siya sa panahong iyon, dadagdagan niya ang saya sa paglalaro at babawasan naman niya ang lungkot sa pagpasok sa paaralan.

Marami na siyang alaala noong nag-aaral siya sa haiskul. Malaki na palibhasa siya. Nakapupunta na siya sa gusto niyang puntahan na hindi kasama ang mga magulang. Puwedeng nag-iisa siya o kasama ang mga kaibigan. Hindi na niya kinatatamaran noon ang pag-aaral. Gustung-gusto pa nga niya na may pasok sa paaralan dahil nakakasama niya ang mga kaklaseng kaibigan niya at nakikita niya ang crush niya. Kung laruan ang hilig niya noong bata pa siya, ang hilig naman niya noong nasa haiskul na siya ay magagarang damit, sapatos at relos. Ayaw niyang mapag-iwanan ng mga kaklaseng lalaki at gusto naman niyang mapansin ng mga estudyanteng babae. Tandang-tanda niya si Adelle, ang kauna-unahan niyang niligawan. Nasa third year siya noon at nasa second year naman ito. Tandang-tanda pa niya ang nakapagpapaganda ng kaniyang araw na ngiti ni Adelle. Gandang-ganda rin siya sa mga binti nito. Napakaligaya niya nang sagutin siya ni Adelle. Pero nagkatampuhan sila. Parang hinampas na dalag siya noon dahil sa panlalambot. Nang malaon, naramdaman niyang gusto nang makipagbalikan ni Adelle. Pero tinikis niya ito dahil masyado siyang nasaktan sa breakup nila. Kaya hindi sila nagkabalikan. Pagkalipas ng ilang taon, saka niya nakitang dapat na nakipagbalikan siya. Baka nakabuo pa sila ng magandang love story, na hinahangad niyang mangyari sa kaniyang buhay. Maraming magagandang katangian si Adelle, kung hindi man ito perpekto. Hindi lamang niya nabigyan-pansin noon. Hindi siya pinansin ng sumunod niyang niligawan. Pero naging girlfriend naman niya ang ikatlo, si Nanette. Nasa fourth year siya noon at nasa second year naman ito. Palaaral at malambing si Nanette. Maligayang-maligaya siya nang sagutin siya nito. Nagkatampuhan din sila. Malapit na noon ang pagtatapos ng klase, gagradweyt na siya ng haiskul. Naisaloob niya noon na mag-aaral na siya sa kolehiyo at maraming babae na siyang makikilala roon. Maiiwan din niya si Nanette sa paaralan nila. Kaya hindi na niya pinansin si Nanette. Pagkalipas ng ilang taon, saka niya nakitang dapat na binalikan niya ito. Baka nakabuo pa sila ng magandang love story, na hinahangad niyang mangyari sa kaniyang buhay. Si Nanette ay isang babae na dapat hanapin ng isang lalaki, naisaloob niya. Napakalambing nito. Napakasarap sa kaniyang pakiramdam ng pag-aalala nito kung kumain na siya, kung maayos ang lahat sa buhay niya. Binabalikan ang nakaraan, naisaloob niyang talagang masaya ang buhay sa haiskul. Naiisip niya ngayon na dapat na sumali siya nang sumali noon sa extracurricular activities sa paaralan para lalo niyang naranasan ang saya ng haiskul bukod sa mga pakinabang na tulad ng pagbibigay-daan upang umangat ang tiwala sa sarili, malinang ang kakayahan o talento, masanay sa pakikisalimuha sa iba’t ibang tao, matuto ng mahusay na paggugol sa oras at lumawak ang kakayahang organisasyunal.

Sa Maynila siya nagkolehiyo. Excited na excited siya noon dahil mararanasan na niya ang buhay sa lungsod. Noong una, nahirapan siya sa hangin ng Maynila. Nahihilo siya. Pero nang malaon, nasanay rin siya. Sa kolehiyo, mas seryoso na siya sa pag-aaral kaysa noong nasa haiskul. Nag-iisip na siya noon para sa kaniyang kinabukasan. May mga nagustuhan din siyang kapuwa-estudyante sa kolehiyo. Tatlo sa mga ito ay niligawan niya. Isa ang naging girlfriend niya, si Mildred. Nagkatampuhan din sila. Pagkalipas ng ilang taon, saka niya nakitang dapat na sinuyo uli niya ito. Puwedeng nakabuo pa sila ng magandang love story, na hinahangad niyang mangyari sa kaniyang buhay. Marami rin namang kaibig-ibig na katangian si Mildred. Hindi lamang niya nabigyan-pansin noon. May kaklase rin siyang halatang-halata na may crush sa kaniya. Pero hindi niya ito pinansin. Noong makapagtapos na siya ng kolehiyo saka niya naisip ang mga katangian nito. Binabalikan ang nakaraan, naisaloob niyang masaya rin ang buhay sa kolehiyo. Naiisip niya ngayon na dapat na hindi na niya nakaligtaan din sa kolehiyo na sumali nang sumali sa extracurricular activities sa paaralan para lalo niyang naranasan ang saya ng kolehiyo bukod sa mga pakinabang na tulad ng pagbibigay-daan upang umangat ang tiwala sa sarili, malinang ang kakayahan o talento, masanay sa pakikisalimuha sa iba’t ibang tao, matuto ng mahusay na paggugol sa oras, lumawak ang kakayahang organisasyunal at gumanda ang resume para sa pag-a-apply sa trabaho. At, oo, masaya rin sa Maynila.

Tuwang-tuwa siya nang makapagtapos siya ng kolehiyo. Sa loob niya, kikita na siya ng sariling pera pag may trabaho na siya. Hindi na niya kailangang humingi pa sa mga magulang tuwing may gusto siyang bilhin o puntahan. Ganoon nga ang nangyari nang magkaroon na siya ng trabaho. Nabibili na niya ang mga gustong damit, sapatos at iba pang gamit sa katawan. Nakagagala na siya kung saan at kailan niya gusto. Habang binabalikan niya ang nakaraan, nakikita niya na noon pa man ay nagkaroon na siya ng maraming pagkakataon upang tumaas ang posisyon sa opisina. Marami rin siyang mapagpipiliang kaopisinang babae na puwedeng-puwede niyang ligawan at makabuo sila ng magandang love story, na hinahangad niyang mangyari sa kaniyang buhay. Sumapi siya sa isang civic organization para sa barkadahan at upang makalahok siya sa mga gawaing makatutulong sa kapuwa. Gusto rin naman talaga niyang makatulong sa kapuwa bukod sa hangad din niyang kilalanin siya na nakapag-ambag sa ikabubuti ng sangkatauhan. Gayunman, napansin niya na sa maraming pagkakataon ay nagkulang siya ng sigasig sa mga gawain nila. Hindi agad niya nakita ang halaga ng mga iyon sa pagtulong sa kapuwa.

May pamilya na siya ngayon. Maayos ang trabaho niya kahit nakapagpalampas siya ng maraming oportunidad noon. Nagtatrabaho rin si Lina, ang misis niya. Nagtapos din ito ng kolehiyo, tulad niya. May sarili silang bahay at lupa. May kotse. Masasarap at masusustansiya ang pagkain nilang mag-anak. Magaganda ang mga damit. Nag-aaral ang dalawang anak. Nakapamamasyal silang mag-anak. Kahit pareho silang nagtatrabaho na mag-asawa, lagi nilang nakakausap ang mga anak. Kung ano ang naramdaman niya nang ligawan niya ang mga naging nobya niya noon, ganoon din ang naramdaman niya nang ligawan niya si Lina. Paminsan-minsan ay nagkakagalit sila pero sa pangkalahatan ay nagkakasundo naman sila. Kung nagagandahan siya sa mga binti ni Adelle, nagagandahan din siya sa mga binti ng misis niya. Matamis ding ngumiti si Lina. Kasapi pa rin siya ng civic organization. Gusto rin naman talaga niyang makatulong sa kapuwa bukod sa hangad din niyang kilalanin siya na nakapag-ambag sa ikabubuti ng sangkatauhan. Malakas na malakas pa ang kaniyang katawan para sa kung anu-anong aktibidad.

“Kakain na tayo,” sabi ng misis niya matapos ayusin ang mga pagkain na dinala ng waiter. Napakaganda ng pagkakangiti nito. Malambing ito, na gusto niyang katangian ng isang babae.

“Sige,” tugon niya.

Nasa isang resort silang mag-anak. Doon nila napagkasunduang ipagdiwang ang kaniyang kaarawan. Tuwang-tuwa ang dalawa nilang anak.

HABANG patuloy nilang ipinagdiriwang ang kaniyang kaarawan, patuloy na iniisip ni Rico kung paano niya matatagpuan ang tinatawag na panahon ng kaniyang buhay.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Ang batang babae na lagi siyang inuunahan sa paliligo

$
0
0

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoAng batang babae na lagi siyang inuunahan sa paliligo

Ni Nestor S. Barco

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.

KUNG minsan, naiinis na si Bien sa pamangking babae ng misis niya. Napapansin niyang lagi siyang inuunahan nito sa paliligo.

Kapag nakita nitong nagkakape na siya sa umaga, dali-dali na itong papasok ng banyo, dala ang tuwalya at ang mga isusuot.

Iisa pa naman ang banyo nila. Wala siyang magawa kundi maghintay.

May negosyo siya, puwesto sa bilihan ng mga surplus na piyesa at makina ng sasakyan sa Real 1, City of Bacoor, Cavite. Binubuksan na iyon ng tatlong tauhan niya, na mga pamangkin din ng kaniyang misis, tuwing alas-8 ng umaga, Lunes hanggang Sabado. Stay-in ang mga ito roon upang may matuluyan ang mga ito at upang may magbantay sa puwesto. Puwedeng dakong alas-5 na ng hapon siya magpunta sa puwesto, sa oras ng pagsasara nito. Kung talagang hindi siya makararating, puwedeng kinabukasan na siya magpunta. Ibibigay na lamang sa kaniya ng mga pamangkin ng misis niya ang pinagbilhan.

Gayunman, gusto niyang maagang nagpupunta sa puwesto. Gusto niyang nasusubaybayan niya nang husto ang kaniyang negosyo.

Nariyan din ang pangyayaring kung minsa’y gustung-gusto na niyang gumamit ng banyo.

Sa kabila nito, nananaig pa rin ang awa niya sa batang babae. Kaya hindi niya ito sinisita. Ayaw rin niyang sumama ang loob ng hipag niya kung makikita nitong sinisita niya ang anak nito. Naaawa rin siya sa hipag niya.

ISANG buwan nang nakatira sa bahay nila ang mga ito. Bukod sa batang babae, kasama rin ng hipag niya ang bunsong anak nito, na lalaki. Ayon sa misis niya, limang taong gulang ang batang babae, maliit lamang para sa edad nito at mahigit isang taong gulang naman ang bunso, na maliit din para sa edad nito. Lahat-lahat, labindalawa ang mga anak ng hipag niya. Ang batang babae ay pansampu. Ang panganay at pangalawa ay parehong may pamilya na sa Northern Samar. Ang pangatlo at pang-apat, parehong lalaki, ay tumatao sa puwesto niya. Ang iba pang mga anak ng hipag niya ay naiwan sa ama ng mga ito.

“Bakit daw andito si Manay?” tanong niya sa misis niya kinagabihan noong araw na dumating sa kanila ang mag-iina. Ang “manay” ay salitang Bisaya para sa ate.

“Pupuntahan daw ang mga anak,” sagot nito.

Kung minsan, pinupuntahan talaga ng hipag niya ang dalawang anak. Bukod sa gustong makita ang kalagayan ng mga ito, humihingi rin ng pera ang hipag niya sa mga ito upang maiuwi pagbalik ng Northern Samar. Mahirap sa pera sa probinsiya. At kung minsan, nakakaligtaan ng dalawang anak na magpadala ng pera.

Iniisip niya na sinasamahan na rin ng hipag niya ng pamamasyal ang pagpunta sa kanila. O ipinapasyal nito ang mga anak. Iniiba-iba nito ang mga anak na isinasama upang lahat, hanggang maaari, ay makapamasyal. Siyempre, lagi nitong isinasama kung sino ang bunso na kundi man dumedede pa sa kaniya ay kailangang-kailangan pa ng pag-aalaga ng ina. Naikuwento sa kaniya ng misis niya na nakakainip sa probinsiya. Kaya gustung-gusto ng mga tagaroon na makarating ng Maynila. Maynila na rin ang tawag ng mga ito sa Cavite. Mahirap ding humanap ng pagkakakitaan sa Northern Samar. Ang karaniwang hanapbuhay ng mga nakatira roon ay pangingisda at paggawa sa bukid. Wala ring masyadong mapasyalan. Nagsasawa na rin ang mga ito sa kakakain ng isda at gulay. Nakakatikim lamang ng baboy at manok ang mga ito pag pista.

Pero kung minsan, tumatakbo sa kanila ang hipag niya dahil nag-away ang mag-asawa. Sinaktan pa ito. Gayunman, bumabalik pa rin ang hipag niya sa Northern Samar. Tinatanong niya ang misis niya kung bakit pumapayag ang kapatid nito na sinasaktan ng asawa. Ang sagot nito ay baka nagtitiis na lamang ang kapatid nito alang-alang sa mga anak. Mahihirapan itong buhayin ang mga anak kung makikipaghiwalay sa asawa. Hindi ito nakapagtapos ng pag-aaral at mahirap pa ngang humanap ng pagkakakitaan sa probinsiya. Paglalabada lamang ang puwedeng pasukin nito na hindi sapat ang kikitain upang buhayin ang mga anak. Ayon pa sa misis niya, nasanay na rin ang maraming babae sa probinsiya na ang lalaki ang hari sa bahay. Kaya nagagawa ng mga ito sa kanila kung ano ang gusto, kahit ang saktan sila.

Hindi na siya kumikibo kung nakikitira man sa kanila ang partido ng misis niya. Kung minsan, nagbabakasyon sa kanila ang mga biyenan niya. O ang ibang hipag niya, na laging may bitbit na anak. Kung minsan naman, may pamangkin ng misis niya na nakikitira sa kanila habang naghahanap ng mapapasukang trabaho. Kung tutuusin, hindi naman napakalaki ng dagdag na gastos pag tumitira sa bahay nila ang mga ito. Hindi naman mapaghanap ang mga ito. Kung ano ang kinakain nila, dinadagdagan na lamang nila. Hindi rin humihiling ang mga ito na mamasyal. Basta sumasama lamang kapag niyayakag nila. Hindi rin nangungutang sa kanila ang mga ito. Hindi rin naman sabay-sabay kung makitira sa kanila ang mga ito. Hindi naman malaki ang bahay nila para magsabay-sabay sa pakikitira sa kanila ang mga ito. Saka nasasayahan ang misis niya at ang dalawa nilang anak pag nakatira sa kanila ang mga ito. Naaawa naman siya sa mga ito. Kaya nga tinutulungan niya. Ang tatlong pamangkin ng misis niya ay binigyan niya ng trabaho sa puwesto niya. Ang isang pamangking babae ng misis niya ay kinuha nilang kasambahay. Tulong na rin niya sa mga ito na kupkupin niya habang naghahanap ng trabaho.

Hindi niya pinagdadamutan sa pagkain ang mga ito palibhasa’y alam niya na kapos sa pagkain ang mga ito sa probinsiya.

Isinasama rin nilang mag-anak sa pamamasyal ang mga ito dahil nabanggit ng misis niya na napakadalang makapasyal ng mga ito. Kasiya naman sila sa kaniyang segunda-manong Asian utility vehicle, kasama ang babaeng pamangkin ng misis niya na kasambahay nila.

Kahit sa pagpunta sa shopping mall, isinasama nila ang mga ito upang makapamasyal na rin ng mga ito.

Tumataba at kumikinis ang balat ng partido ng misis niya kapag napapatira sa kanila.

“Masayang-masaya si Manay,” sabi ng misis niya. “Kaya lang, nahihiya. Nadadagdagan daw ang gastos natin dahil sa kanila.”

Nakaayos agad ang mag-iina tuwing mamamasyal sila.

“Sabihin mo, e, okey lang ‘yon. Wala siyang dapat alalahanin,” sabi niya.

Ang problema lamang niya ay lagi siyang inuunahan ng batang babae sa paliligo.

NANG malaon, kinausap na niya ang misis niya tungkol dito. Mabuti na iyong magkapatid ang nag-uusap upang maiwasan ang tampuhan, naisaloob niya.

Pinuntahan ng misis niya ang kapatid nito na nasa salas. Nanatili siya sa kuwarto nila.

“Nakausap ko na si Manay,” sabi ng misis niya pagbalik nito.

“Ano ang sabi?”

“Sinabihan pala niya si Janet na bilisan ang pagkilos kapag mamamasyal tayo,” sagot ng misis niya na natatawa. “Nahihiya pala sa iyo si Manay na sila pa ang hintayin pag namamasyal tayo. Kaya sinabihan ang anak na maligo na agad dahil kapag nakaayos ka na at hindi pa ito nakakaayos, e, maiiwan na ito.”

“Ibig-sabihin, araw-araw na inaabangan ni Janet na baka mamasyal tayo?”

“Malamang,” sagot ng misis niya. “Kaya nag-aayos na agad siya. Takot maiwan.”

Naunawaan na niya kung bakit lagi siyang inuunahan ng batang babae sa paliligo. Pagbalik sa Northern Samar, madalang o baka nga hindi na ito makapamasyal, naisaloob niya.

“Sana, sinabi mo ke Manay na kausapin uli si Janet. Sabihin n’ya ke Janet na hindi ito iiwan kahit hindi pa ito nakakaayos kapag mamamasyal tayo. Iintayin natin siya,” sinabi niya sa misis niya.

“Sinabi ko na,” tugon nito. “Salamat daw dahil hindi pala talaga natin sila iiwan. Kinausap na rin niya si Janet.”

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Pangarap na propesyon

$
0
0

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoPangarap na propesyon

SA pakiramdam ni Elsa, buhay na buhay ang buong palengke. Sumaya. Lalong lumiwanag. Kitang-kita niya ang galaw ng mga tao. Napakagaan ng kaniyang katawan habang nagtitinda ng mga gulay. Lagi siyang nakangiti.

“Ang saya mo ‘ata,” bati ng isang suki niya habang pumipili ng bibilhing ampalaya. Babae ito.

“Medyo nga po,” tugon niya. Na isang paraan niya ng pagsasabing talagang masaya siya.

“Niyayaya ka na bang pakasal ng boyfriend mo?”

“Naku, hindi po! Wala po akong boyfriend,” tugon niya, nakangiti pa rin.

“Ganoon ba?”

“Opo.”

“Malakas siguro ang benta mo?” Nakangiti ito.

“Medyo po.” Nakangiti pa rin siya.

Ang iba pang lumapit sa puwesto niya, kahit hindi niya suki, ay napapatingin sa kaniya. Parang may inaaninaw sa mukha niya. Nakikita niyang nagliliwanag ang mukha ng mga ito. Sumasaya. At napapabili sa kaniya ang mga ito.

“Alam mo, halatang-halatang ang saya mo!” banggit ng tindera sa katabi niyang puwesto.

“Ganoon ba?”

“Oo. Bakit ba?”

“Wala naman. Masaya lang talaga,” naisagot na lamang niya.

Ang totoo, pinag-iisipan pa niya ang dahilan kaya masayang-masaya siya.

IKAPITONG buwan na niyang nagtitinda ng mga gulay sa palengke. Malakas agad ang kaniyang puwesto. Marami na siyang suki.

Gayunman, ang talagang pangarap niya ay maging duktora.

O nars.

O guro.

Hindi niya malilimutan ang sinabi noon sa kanilang klase ng isa niyang guro sa haiskul na serbisyo sa sangkatauhan ang pinakamahusay na propesyon. Ibinigay pa nitong halimbawa ang gawain ng mga duktor na nanggagamot, mga nars na nag-aalaga ng mga maysakit at mga guro nagtuturo sa mga estudyante.

Idinagdag pa ng kaniyang guro na makabuluhan ang buhay na ginugugol sa serbisyo sa sangkatauhan.

Kaya gusto niyang maging duktora, nars o guro.

Tinustusan ng mga magulang niya ang kaniyang pag-aaral. Masigasig din siya sa pag-aaral.

Pero kahit paanong aral ang gawin niya, hindi siya magaling sa klase. Mabababa ang grades niya.

Kaya ang kinuha niyang kurso ay Bachelor of Elementary Education major in Science and Health. Sa isip niya, makakaya na niya ito.

Nakapagtapos naman siya ng kolehiyo kahit pa nahirapan siya sa pag-aaral.

Nasubukan na rin niya ang magturo kahit hindi pa siya nakapapasa sa Licensure Examination for Teachers o LET, na kailangan upang maging regular sa pagtuturo na tumatanggap ng lahat ng benepisyo. Sa public school ay hindi tumatanggap ng mga aplikante sa pagtuturo na hindi nakapasa sa LET.

Pagka-graduate niya ng kolehiyo, nag-apply siya upang magturo sa isang private school. Tinanggap naman siya pero pinayuhan siya na kailangang makapasa siya sa LET sa lalong madaling panahon.

Nakadalawang kuha na siya ng LET, noong Setyembre 25, 2011 at Marso 11, 2012, ay hindi pa rin siya nakapapasa.

Hindi rin nasiyahan ang paaralan sa performance niya. Hindi na siya pinagturo uli. Bale ba, handa siyang magtiyaga kahit nahihirapan siya sa pagtuturo.

Nagpahinga muna siya. Hindi rin muna siya kumuha ng LET noong Setyembre 30, 2012 upang makapaghanda nang sapat para sa susunod na LET. Nag-review siya nang husto pero bagsak pa rin siya sa LET noong Marso 10 ng kasalukuyang taon.

Naipasiya niyang humanap muna ng ibang pagkakaabalahan upang huwag siyang malungkot nang malungkot. Lalo lamang magiging walang halaga ang tingin niya sa sarili kung magmumukmok siya sa bahay.

Saka na muna niya iisipin ang pagtuturo at pagkuha uli ng LET.

Natulungan siya ng ama niya na makakuha ng puwesto sa palengke. Binigyan siya ng puhunan. Nagsimula siyang magtinda nitong Mayo.

Pinagbuti niya ang pagtitinda. Ayaw niyang maging pagtitinda ay hindi pa niya makaya.

Lagi siyang nakangiti habang nagtitinda. Magiliw siyang makiharap sa mga mamimili.

Likas naman talaga siyang mahilig sa mga tao. Kaya nga gusto niyang maglingkod sa sangkatauhan.

Malakas agad ang kaniyang puwesto. Marami agad siyang suki. Maayos ang kita niya.

Mahusay pala siya sa pagtitinda. Puwede na nga niyang gawin itong permanenteng hanapbuhay. Gayunman, naiisip pa rin niya ang pagtuturo, na napag-aralan niya noon na kabilang sa mga propesyon na nagkakaloob ng serbisyo sa sangkatauhan at nagbibigay-kabuluhan sa buhay ng isang tao.

Kung minsan, habang tinitingnan niya ang mga kapuwa-tindera sa palengke ay naitatanong niya sa sarili kung kuntento na sa kanilang ginagawa ang mga ito.

Nakikita naman niyang masasaya ang mga ito, lalo’t malakas ang benta.

Tatlong linggo na ang nakararaan, may isang babae na bumili sa kaniya ng talong, sibuyas at kamatis.

Sa tantiya niya, humigit-kumulang sa 40 taong gulang ito. Katamtaman ang taas, kayumanggi at balingkinitan ang katawan. Ang damit nito ay angkop sa pagpunta sa palengke. Gayunman, kitang-kita na maayos at malinis ito sa katawan. Pino ito kung kumilos at magiliw sa pakikipag-usap sa kapuwa.

Mula noon, lagi na itong bumibili sa kaniya. Naging suki na niya ito.

Nalaman niya mula sa ibang tindera sa palengke na propesora ito. Kaya giliw na giliw siya rito.

Ganoon din siya sa mga duktor at nars na nakakaharap niya pag nagpupunta siya sa ospital.

Kaninang umaga, naglakas-loob siyang kausapin ang propesora habang bumibili ito sa kaniya.

“Ma’am, hanga po ako sa trabaho n’yo,” simula niya. “Nagtuturo sa mga estudyante. Talagang nakatutulong sa kapuwa. Tulad din ng mga duktor at mga nars.”

“Lahat ng trabaho e mahalaga,” tugon ng propesora. “Kung walang nagtitinda ng gulay na tulad mo, saan ako bibili? Paano ako kakain? Paano ako mabubuhay? Puntahan ko pa ba ang iba’t ibang taniman? Wala na akong ibang magagawa pag ganoon. Paano ako makapagtuturo? Kaya kung me natuturuan man akong mga estudyante, bahagi ka na rin niyon.”

Gandang-ganda siya sa pagpapaliwanag ng propesora bagama’t nahihirapan siyang sundan iyon. Humirit pa siya:

“Hindi naman po lahat ng bumibili sa akin e tulad n’yo. Iba’t ibang klase ng tao po. Bahagi rin po ba ako ng ginagawa nila?”

“Kahit sino, pagbilhan mo. Gawin mo ang bahagi mo upang kumain ang mga tao. Tulad ng mga duktor, kahit sino e ginagamot. Hindi na nila kinikilala ang pasyente nila.”

“Tulad din po ng mga nars?”

“Oo. Kahit sino na me sakit, inaalagaan nila.”

Gulat na gulat siya sa mga narinig.

“Ibig pong sabihin, mahalaga rin ang ginagawa ko?” Tinukoy na niya ang sarili sa pagtatanong dahil gusto niyang makatiyak. Kung “Oo” uli ang isasagot ng kaharap, nangangahulugang makabuluhan din ang buhay niya, naisaloob niya. Kumakabog ang dibdib niya.

“Oo naman!”

“Hindi po ba kayo nagbibiro?” Kumakabog pa rin ang dibdib niya.

“Ba’t naman ako magbibiro? Totoo ang sinasabi ko.”

Hindi na siya nagtanong pa. Baka makulitan na sa kaniya ang propesora. “Salamat po,” sabi niya.

Nakaalis na ang propesora, patuloy pa rin niyang iniisip ang mga sinabi nito. Nahihirapan pa rin siyang unawain.

Gayunman, propesora ito, matalino ito kaya tiyak na alam nito ang lahat ng sinasabi, nasabi niya sa sarili. Wala ring dahilan para magsinungaling ito, nasabi rin niya sa sarili. At sa paniniwala niya, hindi sinungaling ang mga propesor. Kaya pinaniwalaan na niya ang mga sinabi nito.

Kaya siya masayang-masaya.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Ang sagot

$
0
0

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoAng sagot

TUWING Sabado, nagpupunta sa bahay nila ang mag-ina. Naglalaba ng mga damit nila ang babae, na pinsang buo ng misis niya. Isinasama nito ang anak, lalaki, anim na taong gulang, dahil walang makakasama sa bahay ng mga ito ang bata. Ang mister nito ay nagpapasada ng pedicab. Nag-iisang anak ang bata.

Wala silang kasambahay. Nagpapalaba lamang sila. Nakakaya na ng misis niya ang pamamalantsa ng mga damit nila. Ang pinaplantsa naman lamang nito ay mga uniporme sa paaralan ng dalawang anak nila at mga damit nilang panlakad. Hindi na pinaplantsa ang mga pambahay nila. Hindi naman siya malimit lumakad.

Hindi nagtatrabaho ang misis niya. Nag-aasikaso ito ng bahay nila. Opinion editor siya sa isang broadsheet na nakabase sa Maynila. Ginagawa niya ang trabaho online. Kaya hindi siya araw-araw na nagre-report sa opisina, dalawa o tatlong beses lamang sa loob ng isang linggo. Hindi siya nagre-report tuwing Sabado at Linggo.

Sa iba, hindi uubrang may kasamang anak ang labandera.

Bukod sa dagdag na pakainin, nakakaabala sa paglalaba ang bata. Sabihin mang natapos ang paglalaba, puwedeng hindi ito ganoon kaayos dahil kailangang intindihin ng ina ang anak.

Siguro, panatag ang loob ng labandera na isama ang anak nito dahil pinsang buo ito ng misis niya.

“Kung ibabayad pa nila ng titingin si Jonjon, wala na halos matitira sa inupa natin. Kailangan din namang magpasada si Val dahil nagba-boundary ‘yon,” paliwanag pa ng misis niya.

“Sige,” pagpayag niya.

“Salamat,” sabi ng misis niya.

Isa pang dahilan kaya pumayag silang isama ang bata ay nakakalaro ito noon ng bunsong anak nila, na lalaki rin. Babae ang panganay nila. Ngayong nagbibinata na ang bunso nila, na labindalawang taong gulang, hindi na masyadong naglalaro ito at si Jonjon. Iba na ang hilig ng anak na lalaki.

Natutuwa rin silang mag-anak kay Jonjon palibhasa’y wala nang maliit na bata sa bahay nila.

Kung ano ang kinakain nila, iyon din ang kinakain ng mag-ina. Hanggang gusto ng mga ito. Kapag umoorder ng pagkain sa fast food restaurant ang misis niya upang ipa-deliver sa bahay nila, kasali ang mag-ina. Tumaba ang bata mula nang laging magpunta sa bahay nila. Mahigit dalawang taon nang naglalaba sa kanila ang ina nito.

Kuminis pa ito. Sa bahay na rin nila naliligo ang bata tuwing Sabado. Sa inuupahang bahay ng mga ito, na maliit lamang, nag-iigib ng tubig ang mga ito. Sa bahay nila, pinipihit na lamang ang gripo. Gamit ng bata ang body wash at shampoo sa banyo nila.

Kahit hindi sila nanonood, hinahayaan nilang nakabukas ang TV kapag gustong manood ng bata. Cartoons ang laging pinanonood nito.

Kapag nagpupunta sa mall ang misis niya at ang dalawa nilang anak dahil may kailangang bilhin, isinasama ng mga ito ang bata upang makapamasyal na rin.

Sa tingin niya, ang lalo pang ikinatutuwa ng bata sa bahay nila ay maraming laruan.

Pinahihiram ito ng bunsong anak nila ng mga laruan. Noong hindi pa nagbibinata ang anak nila, lagi itong nagpapabili sa kanila ng laruan. Kaya lagi ring may bagong laruan na nalalaro si Jonjon.

Hindi nga lamang puwedeng iuwi ni Jonjon ang mga laruan dahil iniingatan ng bunso nila ang mga ito kahit ngayong nagbibinata na ang anak. Binibigyan din naman ng anak nila ng laruan ang bata pero iyong pinaglumaan na at hindi na nito kursunada.

Mahigit kalahating taon na ring hindi bumibili ng bagong laruan ang bunsong anak nila. Kaya hindi na nakapaglalaro ng mga bagong laruan ang bata.

Ibinibili naman si Jonjon ng mga magulang nito ng laruan, sabi ng misis niya.

“Kaya lang, hindi puwedeng lagi. Depende rin sa presyo. Me iba pa silang pinagkakagastahan, tulad ng pagkain. Tapos, umuupa pa sila ng bahay,” dagdag ng misis niya.

Kakilala na ni Jonjon ang mga bata sa subdibisyon nila. Nakakalaro ni Jonjon ang mga ito sa hapon pagkatapos nitong matulog. Tamang-tama, malilim na sa kalsada pag ganoong oras. Madalang din ang nagdaraang mga sasakyan sa block nila.

Tuwing Sabado ng hapon, sinusundo ni Val ang mag-ina nito dahil kailangang tumawid ng highway pauwi sa kanila. Maraming nagdaraang sasakyan. Sumasakay ng pampasaherong dyip ang mag-ina papunta sa kanila at pauwi sa tirahan ng mga ito.

Sabi ng misis niya, maayos namang padre de pamilya si Val. Talaga lamang maliit kumita.

Napansin din niya na malapit sa isa’t isa ang mag-ama.

Ngayong hapon, nasa labas siya. Kausap niya ang isang lalaking kapitbahay nila.

Naging libangan na nila sa block sa subdibisyon nila na mag-upo sa gilid ng kalsada pag hapon. Naghuhuntahan sila roon.

Nakikipaglaro na si Jonjon sa mga bata sa subdibisyon nila.

Iba ang kalaro ng bunso nilang anak. Badminton ang laro nito.

Ang misis niya at ang panganay nila ay nasa loob ng bahay.

Mayamaya, napatingin sila ng kapitbahay niya sa mga bata na nagtatalo.

“Mayroon ka ba nito? Mayroon ka ba nito? Wala, ‘no?” sabi ng isang bata kay Jonjon. May hawak itong action figure. Malamang na iyon ang usong laruan ngayon.

“Pabibili rin ako ke Papa n’yan!” sabi ni Jonjon.

Kapag binibigkas nang malumay, ang tawag na “papa” ay hindi pang-mayaman. Pangmayaman ito kapag binibigkas nang mabilis. Karaniwan ngayon ang tawag na “papa” (malumay) sa ama sa halip na “tatay” na karaniwan namang tumutukoy ngayon sa lolo.

“Nanghihiram ka nga lang lagi ng laruan ke Mike, e,” sabi ng bata. Pangalan iyon ng bunso niyang anak.

“Talaga, ibibili rin ako ni Papa n’yan!” giit ni Jonjon.

“Sige nga, pabili ka!”

“Talaga!”

Nagpatuloy sa paglalaro ang mga bata. Nakikiumpok pa rin sa kanila si Jonjon.

Maya-maya, dumating ang ama ni Jonjon.

“Papa, ibili mo rin po ako ng ganoong laruan!”

Hindi nakasagot ang ama nito. Nararanasan na ring ibili ang anak ng mga laruan, tiyak na alam nitong mamahalin ang ganoong laruan. Humigit-kumulang sa sanlibong piso. Malaking halaga iyon para sa isang pedicab driver.

Nakita nitong napatingin silang lahat, pati ang mga bata. Hinintay niya ang sagot nito. Kung “Oo,” matutuwa si Jonjon pero kailangang ibili nito ang anak ng laruan. Mamahalin iyon. Kung “hindi,” wala itong obligasyon pero mapapahiya ang anak nito sa mga kalaro.

Inulit ng anak nito ang paghingi: “Papa, ibili mo rin po ako ng ganoong laruan!”

Sa pagkakataong ito, sumagot na ang ama: “Oo, anak, pag me pera na tayo.”

Tuwang-tuwa ang bata.

“Weee! ‘Kita n’yo, ibibili rin ako ni Papa n’yan!” sabi nito.

Hindi nakakibo ang mga kapuwa-bata. Batay sa reaksiyon ni Jonjon, iisipin talaga ng makakakita na ibibili ito ng ama nito ng laruan.

Matapos siyang batiin, pinuntahan ni Val ang misis nito. Tutulungan nito ang misis nito sa pagbabanlaw at pagsasampay ng mga damit upang makauwi na ang mga ito.

Samantala, masayang-masaya si Jonjon. Punumpuno ng pag-asa.

Habang pinag-iisipan naman niya ang sagot ng ama ng bata, naguguluhan siya. Lalo lamang siyang nagkaroon ng mga tanong.

“Oo” ang sagot nito. Ibig-sabihin, ibibili nito ng laruan ang anak. Pero “pag me pera na.” Kailan iyon? Paano kung hindi magkapera? Hindi na ba nito ibibili ng laruan ang anak? Paano kung hanapan si Jonjon ng mga kapuwa-bata ng bagong laruan sa susunod na Sabado? Ano ang isasagot nito? Kung sakali, lalong mapapahiya ang bata. Lalong magmumukhang kawawa. Kung ayaw ng ama nito na lalong mapahiya at magmukhang kawawa ang anak, kailangan nitong ibili ang anak ng laruan. Sa isang katulad nito ang hanapbuhay, talagang malaki ang halaga ng laruang iyon. Ano kaya ang gagawin ni Val?

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Viewing all 52 articles
Browse latest View live